BAGUIO CITY
Sa maaliwalas at malamig na mga kalsada, isang babaeng may walis at dustpan ang matiyagang naglilinis araw-araw, Hindi lang basta trabaho, kundi isang sakripisyong nagtaguyod sa kanyang pamilya. Sa loob ng 27 taon, naging
pangalawang tahanan na ni Yolanda Liis,62, ang mga kalsada ng Baguio City, na alas 8:00 pa lang ng umaga ay
nagsisimula na siyang magwalis at mangolekta ng basura sa central business district ng lungsod. Pero higit pa sa pagiging tagapaglinis ng lansangan, siya rin ay isang ilaw ng tahanan, isang inang mag-isang nagtaguyod sa kanyang anim na anak.
Ayon kay Melchor, anak ni Nanay Yolanda, “Lumaki kaming si Mama lang ang kasama namin. Nasa ikatlong baitang pa lang ako nang mawala si Papa, kaya si Mama na ang gumawa ng lahat para sa amin.” Taong 1995 kasi nang
pumanaw ang asawa ni Yolanda, kaya mula, siya na ang bumuhat sa responsibilidad bilang ina at ama sa kanilang pamilya, na kahit mahirap, hindi siya sumuko. “Mas madali pa noon kasi hindi pa ganoon kamahal ang matrikula. Pero nung natapos silang lahat at nagkaroon ng trabaho, doon ko naramdaman ang gaan ng loob,” pahayag ni Nanay Yolanda.
Dahil sa kanyang pagtitiyaga ng linisin ang kahabaan ng CBD, ang isa sa kanyang mga anak na si Melchor, ay nakapagtapos ng kursong Bachelor of Science in Information Technology. Para sa magkakapatid, walang katumbas na pasasalamat ang kanilang nararamdaman para sa sakripisyong ginawa ng kanilang ina. Dahil sa pagsusumikap ng
kanilang ina, ngayon ay maayos at komportable na ang kanilang buhay at natamasa na rin ni Nanay Yolanda ang bunga ng kanyang sipag at tiyaga.
Ngayon, siya naman ang inaalagaan ng kanyang mga anak, pero kahit kaya na siyang buhayin ng kanyang mga anak,
patuloy pa rin siyang nagwawalis ng kalsada, hindi lang dahil sa nakasanayan na niya, kundi dahil mahal niya ang
kanyang trabaho. Isang patunay si Yolanda na walang imposible sa isang pusong puno ng pagmamahal at dedikasyon. Ang walis na minsang naging sandata niya sa buhay, ngayon ay simbolo ng kanyang tagumpay.
Von Rick P. Angway/UB-Intern
March 1, 2025
March 15, 2025
March 15, 2025
March 15, 2025