Summer clinic ng BCPO, sinimulan na

Metro BLISTT

Binuksan na ng Baguio City Police Office (BCPO) ang libreng Summer Boxing and Music Clinic para sa mga dependents ng kapulisan na may edad 5 hanggang 15 noong Abril 20, 2018.

Ang naturang summer clinic ay naunang ipinatupad ng nagretirong PNP Chief Ronald “Bato” Dela Rosa sa Camp Crame at sinundan ni PSupt. Ramil Saculles, city director ng BCPO.

Layunin ng programa na hasain ang kakayahan ng mga bata upang magkaroon ng tiwala sa sarili, maging independent at malikhain at upang malayo ang mga ito sa pagtutok sa mga gadget, TV, at commuter games ngayong summer vacation.

Ayon kay PSupt. Armando Gapuz, chief ng Police Community Relations Unit, ang mga kabilang sa programa ay kick boxing, boxing clinic, singing at paggamit ng iba’t ibang uri ng instrumento na makakatulong sa pag-unlad ng kalusugan, talento, at kakayahan ng mga bata. Layunin din nito na ilayo sila sa masasamang gawain, bisyo at droga.

Ang mga kapulisan ay walang babayaran, ang kailangan lang ay ihatid at gabayan ang kanilang mga anak.

Ang mga naitakdang araw ng pagsasanay ay Martes, Huwebes at Sabado na magsisimula sa Abril 24 at tatagal ng isang buwan.

Dagdag ni Gapuz, sa kasalukuyan ay limitado lamang sa anak o dependents ng mga pulis ang maaaring sumali sa programa. MICHAEL R. MARTINEZ, UB Intern / ABN