Beneco nagtakda ng 3 annual members’ meetings sa Hunyo

Pinayuhan ang mga miyembro ng Benguet Electric Cooperative (Beneco) na magsumite ng mga isyung nais nilang matalakay sa tatlong pagtitipon na itinakda ng cooperative board sa Hunyo.
Sa pagtitipon noong nakaraang linggo, ang Beneco board na pinangunahan ni president Rocky Aliping Jr. at general manager Gerardo Verzosa ay nagtakda ng tatlong membership assemblies sa Hunyo 2 sa Tublay, Benguet; Hunyo 5 sa Bokod, Benguet; at Hunyo 16 sa Burnham Athletic Bowl sa lungsod ng Baguio.
Ipinaliwanag ni Aliping na nagdesisyon ang board ng tatlong pagtitipon upang maabot ang halos lahat ng mga consumer-members, nang sa gayon ay mabigyan sila ng pagkakataong makadalo at lumahok sa nasabing annual assembly.
“We have to reach out to as many members as it’s difficult to invite them in a single venue and meeting in either Baguio or Benguet, as has been the case for many years,” ani Aliping.
Bahagi ng plano upang mahikayat na dumalo at lumahok sa nasabing taunang pagtitipon ay ang taunang raffle draw kung saan kabilang ang motorcycles sa top prizes, ayon sa board.
Samantala, ang mga member-consumers na may isyung nais matalakay sa gaganaping pagpupulong ay pinapayuhang magsumite sa kahit sinong miyembro ng board of directors o sa management sa kanilang opisina sa South Drive, Baguio City.
Kabilang sa isyu ng Beneco management plans na idaragdag sa agenda ay ang mungkahing irehistro ang sistema sa Cooperative Development Authority sa halip na National Electrification Administration. R. DACAWI / ABN

Amianan Balita Ngayon