Suspek sa pagpaslang ng pawn keeper, nahuli na

Makalipas ang dalawang buwan ng pagtatago, natunton at nadakip na ng mga tauhan ng Baguio City Police Office ang diumanoy pangunahing suspek na pumatay sa pawn keeper mula sa kanyang pinagtataguan sa lalawigan ng Nueva Ecija.
Sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Presiding Judge Maria Ligaya Itliong-Rivera ng Branch 60, Regional Trial Court, Baguio City, na bitbit ng mga tauhan ng BCPO Station 7, CIDMU, CIU at WCPD, ay hindi nakapalag ang suspek na si Rodrigo Ganon Arandela Jr., 36, residente ng Apugan Poliwes, Baguio City, nang datnan siya sa kanyang hideout sa Barangay Cabu, Cabanatuan City, Nueva Ecija, dakong 6:20 ng gabi noong Oktubre 16. Walang kaukulang piyansa ang inirekomenda ng korte kaugnay sa kaso nitong robbery with homicide.
Ayon kay City Director Ramil Saculles, natukoy ang pagkakakilanlan ng suspek, kahit na ito ay naka-surgical mask, sa tulong concerned citizen nang i-post sa Facebook ang suspek na nahagip ng CCTV mula sa Abanao overpass.
Matatandaang noong Agosto 15 ay limang oras bago nadatnan ng mga nag-respondeng pulisya ang biktimang si Lindsay Vallejos Valdez, 23, tubong Barangay Cabuloan, Urdaneta City, Pangasinan at nakatira sa Lower Pinget, Baguio City, na nakabulagtang patay matapos gilitan sa leeg sa loob ng vault room ng 202 Cellfone Pawnshop sa Abanao Road, Baguio City.
Nag-iisa lamang ang biktima nang araw na iyon at wala pang mga kustomer nang pasukin ng suspek dakong 9:07 ng umaga.
Tangay ng suspek ang halagang P87,434 cash na nasa vault at ilang mamahaling cellphone. ZALDY COMANDA

Amianan Balita Ngayon