CAMP DANGWA, LA TRINIDAD, Benguet—Nadakip ng kapulisan ang hinihinalang suspek sa pagpugot ng ulo ng isang lalaki na natagpuan sa isang kalsada sa Sitio Pagtural, Bontoc Ili, Bontoc, Mountain Province noong Abril 9, 2019.
Kinilala ang nasabing suspek na si Kevin Ongaron Changat, 25 anyos isang matadero, at nakatira sa Bontoc Ili sa lalawigan ng Mountain Province.
Nadakip ang nasabing suspek sa isinagawang follow-up operation ng Bontoc Police sa isang kubo sa Sitio Pagturao habang nagpapahinga umano ang nasabing suspek dakong alas 4:00 ng hapon.
Nakilala naman ang biktima na si Wilfred Bandao Aquino, 31, isa ring matadero at nakatira sa Barangay Masoc, Bayombong, Nueva Viscaya. Natagpuan ang bangkay ng biktima na walang ulo at tadtad ng saksak ang katawan sa daan ng Sitio Pagturao, Bontoc Ili sa bayan ng Bontoc.
Ayon sa imbestigaston ng Bontoc Police, isa sa mga kasama ng biktima at suspek ay nagbigay ng impormasyon na magkakasama silang nag-iinuman sa isang kubo malapit sa kanilang pinapasukan na Slaughterhouse noong Abril 8, 2019 ng gabi ngunit umalis umano siya bandang 11:00 ng gabi upang magpahinga.
Subalit kinabukasan dakong alas 2:30 ng madaling araw isang concerned citizen ang nagreport sa tanggapan ng Bontoc Police Office na may bangkay na pugot ang ulo sa may kahabaan ng Sitio Pagturao, Bontoc Ili, Bontoc, Mt. Province.
Agad pinuntahan ng mga pulis ang nasabing kubo na kung saan ay nakita ng mga pulis ang suspek at ang kasama nitong natutulog pa.
Dahil sa mga dugong nakita sa kamay at damit ng suspek ay agad nila itong dinala sa kanilang police station na agad naman umanong umamin ang nasabing suspek sa nasabing krimen.
Pinakawalan din ng pulisya ang kasama ni Changat dahil wala umano itong partisipasyon sa nasabing krimen.
Kasalukuyan naman ngayon nakakulong sa Bontoc Jail ang nasabing suspek.
Thom Picaña/ABN
April 14, 2019
April 14, 2019