Task Force Panagbenga sinimulang pakilusin ng OCD sa Cordillera

Upang mahadlangan ang anumang posibleng banta at masamang
insidente sa panahon ng selebrasyon ng taunang flower festival ay inaktiba ng Office of Civil Defense Cordillera (OCDCAR) ang “Task Force Panagbenga”. “The security and safety of the residents and visitors is everyone’s concern and should be taken seriously especially during high density population gatherings,” pahayag ni OCDCAR Regional Director Albert Mogol.

Ang task force ay binuo noong Enero 31 sa inter-agency meeting na dinaluhan ng mgakinatawan mula sa Philippine National Police (PNP), Armed Department of Health (DOH), City Health Services Office(CHSO), National Intelligence Coordinating Agency (NICA)
at karamihan ng mga miyembro ng Cordillera Disaster Risk Reduction Management Council (CDRRMC).

Magiging full alert ito mula Pebrero 1 hanggang Marso 10 matapos ang closing ceremony ng festival.

Sinabi ni Mogol na ang pangunahing tungkulin ng task force ay mag-monitor at magsagawa ng koordinasyon sa seguridad upang masiguro ang kaligtasan ng publiko.
Maliban sa pagsasaya sa Panagbenga ay sinabi ni Mogol na tututukan din nila ang Philippine Military Academy (PMA) alumni homecoming na idaraos sa Pebrero 16 kung saan daan-daang mga opisyal ng militar at police na nagtapos mula sa akademiya ang darating sa lungsod.
Ang dalawang grand parade ng Panagbenga – ang street dancing at float parade sa Marso 2 at 3 ay taunang dinudumog din ng tao.
Bago pa ang aktibasyon ay sinabi ni Mogol na tinalakay ng mga ahensiya ang seguridad at contingency plans para sa nalalapit na mga aktibidad.
Bilang hakbang na panghadlang ay nanawagan siya sa publiko na maging mapagmasid at iulat sa pulis ang anumang hindi pangkaraniwang aktibidad o pangyayari na kanilang mapuna.
Isang Emergency Operation Center (EOC) ang itatatag sa OCD para sa monitoring ng mga aktibidad mula Pebrero 1 hanggang
Marso 10, 2019.

Amianan Balita Ngayon