Tatlong karakter sa isang kuwento, may mapupulot na aral

Editorial

Sa kabila ng inaaning magagandang balita sa mga taxi drivers ng Baguio City, mga tapat at nagsasauli ng mga naiiwang mahahalagang bagay, magagalang, mababango at maayos ang pananamit ay bigla namang nabahiran ng di kanais-nais at mapanirang insidenteng makakaapekto sa lungsod at mamamayan nito.

Ang insidente noong Disyembre 31, 2019 kung saan halos makaladkad ang isang pulis-trapiko ng sumampa ito sa hood ng taxi na minamaneho ng isang nakainom na driver upang pigilan ito sa pagtakas sa kaniyang paglabag sa batas trapiko ng lungsod ay kumalat at pinagpiyestahan sa social media. Sa pangyayaring iyon ay maaaring umusbong ang sari-saring pananaw at obserbasyon.

Una, bakit kailangan pang sumampa ang pulis sa hood ng taxi upang pigilan ito? Hindi kaya “over-acting” naman ang pulis?

Pangalawa, bakit tila walang takot ang taxi driver na kahit humarang na ang pulis ay pinaandar pa rin niya ang taxi? May ipinagmamalaki kaya ito? Pangatlo, bakit kailangang humangos at tuwirang makialam ang isang hukom sa isang maliit na kaso sa trapiko?

Ang pagsampa ng pulis-trapiko sa hood ng taxi upang pigilan ito ay mas mabuti na kaysa bunutan ng baril ng pulis ang taxi driver na maaaring magdulot pa ng mas malalang pangyayari. Isa itong pagpapakita ng isang mahinahon at makataong disposisyon, kahit pa manganib mismo ang kaligtasan ng pulis, maipatupad lamang ang batas – dahil sa serbisyo.

Ang di-makatuwirang aksiyon ng taxi driver ay nagpapakita lamang na malakas ang impluwensiya ng alak sa takbo ng pag-iisip at may ipinagmamalaki pala na isang “bayaw” na hukom. Ang agarang pagliligtas ng hukom sa taxi driver ay isang pangkaraniwang ugali ng mga magkakamag-anak ngunit nakalimutan marahil ng hukom na isa siyang hukom – hukom ng bayan at ng hindi ng isang tao o isang kamag-anak.

Tama ang tinuran ni DILG Secretary Eduardo Año na may wastong dako at pamamaraan upang mapalaya ng isang suspek at hindi sa istasyon ng pulis. Kailangan niyang hintayin maiproseso ng pulis ang kaso, magpila ang prosecutor ng kaukulang kaso laban sa suspek at para maiparipa ang kaso sa kaniyang “sala” bago makuha ang hurisdiksiyon. Kailangan sundin ng hukom ang batas, gaya ng lahat. Bilang tagabantay at tagapag-alaga ng batas, ang isang hukom ay dapat magsilbing halimbawa sa pagsunod sa batas at hindi ang lumabag dito.

Ang lubos na pagwawalang-bahala sa batas at paggamit ng sistemang padrino ay hindi dapat kunsintihin at sobrang hindi nararapat sa kaniya bilang isang tagahusga ng batas. Marahil, sa kabilang banda ay umiral ang likas na pagkatao ni Judge Mabalot sa pagtulong sa isang kamag-anak na marahil ay walang kakayahang mailigtas ang sarili at bilang mataas ang pagtingin at katungkulan ay siya lamang ang inasahan sa pagkakataong iyon.

Kamakailan lang ay nasangkot ang isa ring hukom sa insidente ng paglabag sa batas-trapiko na umani rin ng maraming batikos at pagkondena at umabot pa sa kaalaman ng Korte Suprema.

Mahirap ang humusga dahil sa kaibuturan ay kaniya-kaniya ang pinanggagalingan ng bawat isa, subalit sa tatlong karakter sa kuwentong ito ay marahil makakapulot tayo ng mga aral na lalong magpapabuti sa atin bilang maayos at tumutupad sa batas na mga mamamayan.