Itinuloy na ng Department of Transportation and Railways-Cordillera ang calibration ng mga taxi sa Baguio sa atas ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Magmula Abril 2018 ay nakaranas na ang ilang pasahero ng taxi na magbayad ng mas mataas na pamasahe.
Nananatili sa P35 ang flag down rate ng taxi sa lungsod ngunit ang mga bagong calibrate na taxi ay may karagdagang P13.50 kada kilometro at P2 bawat minuto simula sa pinanggalingan nitong lugar.
Bumuhos naman sa social media networks ang mga hinaing ng mga residente ng Baguio City dahil sa nasabing taxi calibration.
Ilan sa kanila ang nagsasabing mas mabuti nang magdagdag ng P10 o P15 sa orihinal na presyo ng pamasahe kaysa magdagdag ng P2 kada minuto. Mabigat ito lalo na sa parte ng mga estudyante.
“Para sa’kin magandang magkaroon ng GPS and most importantly yung wifi syempre kasi hindi naman natin maiiwasan yung traffic dito sa Baguio so habang naghihintay ako may source of entertainment ako. On the other hand, mabigat sa’min yung magkakaroon ng dagdag P2 per minute lalo na sa’ming mga estudyante kasi lalo na ako from KM4 ako may mga time na male-late ako and need na magtaxi…kasi yun yung mabilis na way para makarating ako sa UB so mabigat para sa akin kasi dati from P85 nagiging ngayon P120 to P130 na yung binabayaran naming mga commuters. Negative talaga siya,” pahayag ni Bernard Dulay, isang estudyante.
Samantala sa bahagi ng mga operator at taxi driver, ang mga hindi makakasunod sa itinakdang panahon ng calibration ay magbabayad ng P200 sa bawat araw na nabigo itong ipa-calibrate ang taxi nito.
Ayon kay Gessie Reyes, driver ng naipa-calibrate na taxi na may plakang AYV 104, sa Abril ay nakatakda ang calibration ng mga plakang nagtatapos sa 4,6,7,8 habang sa Mayo ay 0, 5 at 9.
Sa gitna ng mga reklamo ng pasahero sa itinaas ng pamasahe, sinabi ni Reyes na kahit silang driver ng calibrated taxi ay tumaas din ang binabayarang boundary. “Parehas lang hindi masyadong nakatulong dahil dinagdagan ang boundary ng taxi. Sa uncalibrated taxi P1,200 ngayon P1,500 na.”
Aniya, tumaas ng P500 ang kanyang sweldo pagkatapos na-calibrate ang taxi niya.
Pahayag naman ni Daniel Subna-en, driver ng di pa na-calibrate na taxi na may plakang AYU 179, sigurado ang pagrereklamo ng mga pasahero lalo na sa mga malalayo ang pupuntahan. “Kasi kapag malayo pupuntahan mo malaki babayaran mo. From Session Road to PMA, ang hindi calibrated P100 kapag calibrated na nasa P200 na.”
“Madadagdagan ang bayad sa’min pero dadagdagan din ang bayad namin sa boundary,” aniya, “P1,500 kapag hindi boundary pero dagdag ng mga P450 kapag calibrated na.”
Aniya depende rin sa operator kung magkano ang idadagdag nila sa boundary.
Dagdag pa ni Subna-en, “Tingin ko hindi useful ang wifi kasi commuter lang rin makikinabang dyan. I-eenter mo pa lang yung password bababa ka na.”
Bago maipa-calibrate ang isang taxi ay kailangan mayroon itong global navigational satellite system (GNSS), Wi-Fi, CCTV na may tuloy-tuloy na recording sa nakaraang 72 oras, dashboard camera, at online digital platforms. MARK BROZULA VILLAFLORES, UB Intern / ABN
April 8, 2018
April 19, 2025
April 19, 2025
April 19, 2025
April 19, 2025