Taxi drayber, tinadtad ng saksak ng holdaper, patay

LUNGSOD NG BAGUIO – Patay na at naliligo sa sariling dugo ang isang taxi driver matapos na tadtarin ng saksak ng di pa nakikilalang salarin nang ito ay matagpuan ng isang concern citizen noong gabi ng Agosto 18, 2017 sa isang basement ng di pa natatapos na gusali sa Barangay Asin Road.
Nakilala ang biktima na si Angel Umali Sarmiento, tubong Bulacan, ngunit naninirahan sa Pines Park, La Trinidad, Benguet, dakong 12:45am hanggang 1am ng Biyernes sa Mulberrry Alley, Km. 4, Asin Road.
Ayon sa ulat ng pulis, si Sarmiento na nagmamaneho ng Kia taxi na may plakang AYT-933 na may trade name na “Jane-Niña taxi” ay maaaring nanlaban sa mga magnanakaw.
Isang residente na si Elmer De Guzman ang nagsabi sa mga pulis na narinig niya ang malakas na pagbusina ng biktima na nagbunsod sa kanya para sumilip sa bintana.
Aniya ay nakita niya ang isang taxi na nakaparada sa tabi ng kalsada at napansin niyang may komosyon sa loob ng sasakyan.
Sumigaw siya para sa saklolo sa mga kapitbahay na nagbunsod upang tumakas ang mga magnanakaw patungo sa Irisan dumpsite area.
Kahit sugatan ay sinubukan pa ring tumakbo ng taxi driver at natagpuang duguan sa basement ng isang ipinapatayong bahay sa baba ng kalsada.
Idineklarang patay na ang biktima ng pangkat ng Emergency Medical Services sa pangunguna ni Alvin Tumbaga.
Sinubukang halughugin ng mga pulis ang lugar upang makakuha ng lead ngunit nabigo ang mga itong mahuli ang mga tumakas na kawatan.
Samantala isang lalaki naman ang binaril sa harap ng Albertos noong nakaraang Martes dakong alas 7:00 pm ng di pa nakikilalang suspek na tumakabong patakas patungo sa Legarda Road.
Agad namang tinugis ang nasabing suspek ng mga pulis na naka-duty noong gabing maganap ang nasabing insidente subalit hindi nila natagpuan ang nasabing suspek.
Ayon kay Sr. Supt. Ramir Saculles, hepe ng Baguio City Police Office (BCPO), ay patuloy pa rin ang kanilang isinasagawang imbestigasyon sa pamamaril ng biktima na nakilala lamang sa pangalang “Lito” na kasalukuyang nagpapagaling sa tinamong tama ng baril sa isang ospital sa lungsod. ACE ALEGRE / ABN

Amianan Balita Ngayon