BAGUIO CITY
Nagsagawa ang City Health Service Office, Department of Health at Philippine Business for Social Progress (PBSP), ng Tuberculosis Caravan sa Barangay Pacdal covered court,Baguio City, noong Abril 16. Ang caravan ay nag-alok ng libreng check-up at gamot para sa mga residente at mga serbisyo na naglalayong mabigyan ng maagang pagtukoy at paggamot ang mga taong may sakit o’ sintomas ngTB. Sakop rin ng TB caravan ang karatig barangay Country Club, Lualhati, Manuel Roxas, St. Joseph Village, at South Drive, na kabilang sa District 1 ng Baguio.
Mahigit sa150 katao ang dumalo sa TB Caravan para magpa-check up, dalawang taong gulang ang pinakabata at 86 na taong gulang naman ang pinakamatandang pasyente. Kabilang sa mga libreng serbisyo ang x-ray, sputum
collection, PhilHealth Konsulta registration at Profiling. Bukod dito, nagsagawa rin ng kampanya ukol sa impormasyon at edukasyon tungkol sa TB upang hikayatin ang mga tao na magpatingin at magpagamot. Ayon kay Jill Mateo, Nurse II ng Pacdal Health Center, mahalaga ang agarang pagtukoy ng TB sa pamamagitan ng mga sintomas tulad ng ubo na tumatagal ng dalawang linggo o higit pa, lagnat, pagbaba ng timbang, night sweats, pananakit ng dibdib at likod, pag-ubo na may kasamang dugo, at hirap sa pag hinga.
Sa ilalim ng programa, ang mga pasyente na may positibong resulta sa pagsusuri ay mabilis na nakakakuha
ng gamot mula sa barangay health center. Ang mga gamot na ibinibigay ay Rifampicin, Ethambutol, Pyrazinamide, Isoniazid, at iba pang fixed dosed combination na panggagamot sa TB. Kasabay ng medikal na aspeto, isang malaking bahagi ng caravan ang edukasyon tungkol sa pag-iwas sa TB kung saan ipinakita ng mga eksperto ang mga paraan upang maiwasan ang pagkalat ng sakit, kabilang ang tamang paggamit ng facemask, regular na paghuhugas ng kamay, at pag praktis ng tamang cough etiquette.
Nagpahayag naman ng kasiyahan si Mario De Los Reyes, Barangay Kagawad ng Pacdal at Presidente ng Senior Citizen’s Association, sa tagumpay ng programa. Aniya, malaking tulong ang TB Caravan sa kanilang barangay lalo na sa mga senior citizens at sa mga kalapit na lugar upang maagapan ang pagkalat ng sakit at mabigyan ng tamang serbisyo at gamot ang kanilang komunidad.
Tsidkenu Denise Fernandez Ignacio/UB-Intern/ABN
April 20, 2024
April 20, 2024
October 12, 2024
October 12, 2024
October 12, 2024
October 12, 2024