TEACHER, DENTISTA, PATAY SA PAMAMARIL SA ABRA

BAGNGUED, Abra

Patay ang isang teacher at dentista, matapos ang pagbabarilin ito ng di-pa nakikilalang suspek sa Daily Dose, Zone 6, Bangued, Abra, noong gabi ng Marso 26. Kinilala ang biktimang si Dr. Francisco Beleno Beria Jr., dentista at Odilon Peru Peria, teacher ng Abra High School at residente ng Zone 3, Bangued, Abra. Napag-alaman dakong alas 6:20 ng gabi, nakatanggap ng cellular phone call ang tauhan ng Bangued Municipal Police Station, kaugnay sa shooting incident na naganap at agad nagtungo ang kapulisan sa lugar. Nadatnan ng pulisya sa lugar na ang biktimang si Peria ay dinala na sa Seares Memorial Hospital, subalit idineklara itong dead on arrival ng
attending physician na si Dr. Hubert Seares.

Ayon sa doktor, si Peria ay nagtamo ng tatlong tama ng bala sa kanyang kanang bahagi sa likod (point of entry) at dalawang punto ng exit sa kaliwang bahagi ng kanyang dibdib at isang tama ng baril sa kanyang kaliwang kamay. Sa kabilang banda, si Dr. Beria ay nagtamo ng tama ng bala sa kaliwang templo at natagpuang wala nang buhay sa pinangyarihan ng krimen. Sa imbestigasyon na bago ang pamamaril, si Peria ay nakaupo sa isang mesa malapit sa bakod kasama ang isa pang guro na si Charlon Guliban Blaquera, 38, habang si Dr. Beria ay
nakaupong mag-isa sa katapat na mesa. Hindi umano namalayan ng mga biktima ang paglapit ng isang suspek na nakasuot ng helmet
at agad na pinagbabaril si Peria sa likuran, samantalang si ang kasama nitong si Blaquera ay natakbo patungo sa loob ng café para
magtago.

Hindi pa matiyak kung target din suspek ang pagbaril kay Beria o’ posibleng natamaan ito ng ligaw na bala. Ang insidente ay masusing iniimbestigahan ng pulisya, kasabay ang isinasagawang hot pursuit operation para sa posibleng pagdakip sa suspek. Samantala, inihayag ng Abra Police Provincial Office na mula Enero ngayong taon hanggang sa kasalukuyan, umabot na sa 18 insidente ng pamamaril ang naitala sa buong probinsya ng Abra. Mas mataas umano ito kung ikukumpara sa datos noong nakaraang taon. Nanawagan naman ang Commission Election sa Abra, sa mga law enforcement agencies na dagdagan pa ang bilang ng mga pulis na magpapatrolya, lalo na sa bayan ng Banguet Abra, kaugnay sa sunod-sunod na insidente ng pamamaril.

Zaldy Comanda/ABN

Amianan Balita Ngayon