TENSIYON SA PAGITAN NG CHINA AT PILIPINAS…. MAY WAKAS PA???

Bawa’t buhay na hiram sa Panginoon, may hangganan. Siya lang ang nakakaalam. Bawa’t nakasulat na kasaysayan, may hangganan. Ang may akda lang ang nakakaalam. Sa bawa’t prosesyon, may hantungan. Bawa’t agus ng tubig, sa dagat din patungo. Pero ang tensiyon sa pagitan ng China at Pilipinas, saan kaya patungo? May mga haka-haka na
magwawakas lang ang tensiyon sa pagitan ng Tsina at ‘Pinas kapag may sinturong mapipigtas. At malamang kaysa hindi, sinturon ng Pilipinas.

Sa estilong pang-aasar at pambubully ng China, tiyak marami silang reserbang sinturon hangga’t di nila nakukuha ang gusto. Ganyan ang senaryo sa angkinan ng teritoryo sa West Phil Sea. Di rin malayong ganito ang problema ng mga bansa na nakapaligid sa gustong sakupin ng Tsina. At malamang kaysa hindi, kapag nagkaroon ng pagkapigtas ng sinturon, tiyak na magtutulungan ang mga dehadong bansa na kontra Tsina, di ba? May mga kaalyado ring malamang tutulong sa bawa’t maliliit na bansang madedehado.

Suma-total, lalaki ang tensiyon at babagsak sa malakihang tensiyon sa buong mundo. Kamakailan lang, nagkaroon na naman ng habulan at harangan ng mga Coast Guards ng dalawang bansa. Pinaghahabol at hinarangan ng makailang beses ng Coast Guard ng China ang ating mga barko na magdadala sana ng ayuda o supply sa ating mga kababayan. At kahit pa matindi ang tensiyon, tudo timpi pa rin ang ating puwersa. Diyan tayo sumasaludo sa tindi
ng pagtitimping ginagawa ng mga namumuno sa bawa’t barko ng ating bansa. Sabi nga ng mga maiigsi ang pasensya: “naku pag ako ang ginanyan…uupakan ko na sila!”.

Marahil ganyan din ang reaksiyon ng marami sa atin. Pero, nakukuha pa rin nating binatin ang ating sentron alang-alang sa pagsunod sa utos ng mga nakakataas nating mga opisyal. Alam natin na matitigas na ang ating mga bagang at kamao sa pagtitimpi. Nguni’t wala tayong magagawa kundi magtimpi alangalang sa kapayapaan. Alam nating lahi tayo ng mga mandirigma simula’t sapul. Matagal na tayong inaapi sa iba’t-ibang paraan pero nakatayo pa rin tayong lumalaban na ang sandata natin ay PAGTITIMPI.

Ang pinakamasakit na eksena: matapos nila tayong hambalusin mula sa water cannon, paghahabol at pagharang sa mga barko natin, sila pa ang may tapang na magsabing, TAYO raw ang lumulusong sa hindi natin teritoryo. Sing-liwanag na nga ng sikat ng araw ang katotohanang ATIN ang mga teritoryong kanilang sinasakop (nasakop na ang iba) iginigiit pa rin nilang tayo raw ang sumasakop. Kaya nga’t may mga kababayan tayong nagsasabing para daw
makaganti naman tayo, dapat daw ay huwag nating tangkilikin ang kanilang mga produkto.

Ewan lang natin kung papano maisasakatuparan ang isyu ng “pagboykot”. Kasi nga naman, sa buong mundo, nagkalat na ang mga produktong gawa sa Tsina. May punto ang mga nagpapanukala. Nasa atin na kung papano. Marami namang mga produktong may kalidad na galing sa ibang bansa, may kamahalan nga lang. May kasabihan: BILOG ANG MUNDO. Sa ngayun, feeling ni Tsina nasa ibabaw sya ng mundo. Mamamayagpag sya sa pangbubully sapagka’t LANGGAM lang ang tingin nya sa Pilipinas at iba pang bansa sa gilid ng South China Sea na kanyang
inaangkin. LANGGAM lang ang tingin nya sa Pilipinas na may-ari ng West Philippine Sea. Sana umikot na nga ang mundo. Ano nga ba ang feeling ng nakakagat ng LANGGAM? Adios mi amor, ciao, mabalos.

ON DANGEROUS GROUND

Amianan Balita Ngayon