TENSYON AT ATENSYON

NITONG BYERNES, nagsimula na ang kampanya para sa darating na halalan. Kaya naman, kunwari ay pormal ng umiikot ang mga kandidatong nagpapaligsahan sa pagkamit ng matamis na pag-sangayon ng madlang pipol. ‘Ika nga, pakitaan ng mga katangiang magbibigay buhay at sigla sa 45 na araw ng pangangampanya. Ang siste nito, alam naman natin na lampas isang taon na silang nagpapakitang gilas. Lahat na yata ng mga mapang-akit na pananalita ay kanilang inihayag. Lahat ng pangakong tuwing halalan ay ating
naririnig, hanggang sa maging tunog-dasal na. Ang sabi nga ng madla, buti naman at medyo may kalamigan sa ating lungsod.

Gayong tag-init, tila biniyayaan ang Baguio ng klimang hindi makapag-papainit ng ulo. Talagang swak ang lamig ng panahon. Pinakamataas na bahagdan ng temperatura ay katanghalian, nasa 28C. Sa madaling araw, nasa 13C. May alab ng kaunti, pero ang init ng
panahon halos hindi nararamdaman. Parang Disyembre ang panahon ngayong summertime. Hindi tulad sa kapatagan, nanunuot, tagos sa buto-buto, ang init. Sa mga kumakandidato, sige na nga, ibuhos na ang atensyon, kahit na ma-tensyon ang umiinit na panahon.

Huwag lamang kaliligtaan na sa panahon ng kampanya, dapat na malaman ng madla ang plataporma. Ano nga ba ang gagawin kapag nahalal na. Pwede bang pakilista para meron tayong mahuhusgahan. Para naman, alam natin ang mga detalya ng mga pangakong kadalasan ay napapako, nauunsyami, nakakalimutan ng lubusan. Taong 2025 na. Bigyang pansin ang mga kandidato at kandidatang halos alam naman natin ay buong taon ng pumailanlang ang mga ngalang ngayon ay tila nakabibingi ng pakinggan. Sabi ng mga Punong Abala
okey lang daw. Hayaan na lamang.

Tutal, lampas isang taon na silang naka-ungos at naka-bitaw, na parang karera ng daga ang nararanasan. Na kapag ang halalan ay ilang lingo lamang, ito ay salpukan ng mga mapag-nasang nais ay makapaglingkod ng muli at muli. Sa mga umaarangkada ngayon, sipagan ninyo. Wala ng kyeme-kyeme. Ating uulitin ang karapat-dapat na panawagan: Gawing malinis at matapat ang pangangampanya. Walang
puwang sa isang Character City tulad ng Baguio ang mga kabastusan at katiwalian ng ngayon pa lamang ay ating naririnig at nababasa. Hindi ka taga-Baguio kung hahayaan mong balahurain ang pagsasagawa ng banal na gawain sa panahon ng halalan.

Kaya naman, ating gamitin ang pagkakataon na higpitan pa ang mga patakaran Bigyan ng liksyon ang mga tahasang bumabalahura sa mga panuntunan. Ang pagiging bulag sa mga ganitong paglapastangan sa mga alituntunin ay garapalang wawaldasin ang pagkakataon na magsilbi. Kung ngayon pa lamang ay ganito ang dumi ng gawain – ang iparinig sa madla ang kalaswaan namumutawi sa inyong mga labi – walang kang hahantungan kundi ang pusali sa tabi-tabi. Ilang beses na ba sa kasaysayan ng pulitika ay laging nananaig ang mga pag-uugaling dapat ng iwaksi. Ang sabi nga, ang ating inihahalal ay nasa sa ating mga kamay – kailanman ay hindi sa mga nagnanasa na magsilbi. Tanging karapat-dapat lang ang isusulat sa balota. At kung mayroon man ayudang ipinamumudmud, tanggapin. Iyan ay galing hindi sa sariling bulsa ng mga kandidatong garapal. Ipinamumukha lamang na mayroon silang pusong mapagbigay, pero buwis natin iyan na pinagpaguran. Pawis,

Amianan Balita Ngayon