“TIGIL PASADA” DI NA UMUUBRA, PUV MODERNISASYON TULOY NA

Noong Hunyo 2017 ay opisyal na inilunsad ang Public Utility Vehicle (PUV) Modernization
Program ng pamahalaan, at sa ilalim ng programang ito, ang mga lumang jeepney na mahigit 15
taon ang tanda ay papalitan ng electric-powered o Euro compliant vehicles. Ang Euro ay isang set ng emission standards on particulate matter, carbon monoxide, nitrogen oxides at hydrocarbons.

Ang mga jeepney na kasalukuyang nasa mga kalye ay pinapaandar ng Euro 2- compliant na mga makina. Ang iba pang panukalang espesipikasyon para sa pinahusay na mga pampublikong sasakyan ay kabilang ang closed-circuit television cameras, isang GPS navigation system, automatic fare collection system, dash cameras at Wi-Fi. Layon ng PUV modernization program na alisin (phase out) ang luma at sira-sira nang mga jeepney at palitan ito ng mataas-nakalidad na transport systems na maka-kalikasan at may mas malaking kapasidad.

Tinitingnan din ang programa bilang isang solusyon upang mapaluwag ang masikip-sa-trapikong mga kalsada sa ating bansa. Ang paglulunsad ng PUV modernization program ay agad tinutulan ng mga grupo ng transportasyon at sinabing ito ay “anti-poor” o pahirap lamang sa mga mahihirap. Subalit pinasubalian ito ng dating administrasyon ng Department of Transportation (DOTr) at sinabing ang reporma sa road-based public transportation ay hindi kalaban ng mahihirap, at hindi
nakadisenyo ang programa na i-phase out ang mga jeepney o ang Negosyo sa jeepney.

Bagkus ito ay nakadisenyo daw na palakasin at garantiyahan ang kita ng negosyo sa jeepney na
magpatuloy. Sa ilalim ng programa ay kailangang mag-consolidate ang mga grupo ng operators/drivers at maging kooperatiba o isang kompanya upang makakuha sa PhP1.5 bilyon na tulong pinansiyal na ibibigay sa mga transport corporations at cooperatives upang makabili ng mga bagong PUV.

Pangungunahan ng DBP Program assistance to Support Alternative Driving Approaches (PASADA) ang pag-papautang kung saan ang pangunahing feature ng PASADA ay ang 5- porsiyentong equity para sa pagbili ng sasakyan, 6-porsiyentong interest rate at pitong-taong repayment period. Ang mga kuwalipikadong makakautang sa programa ay kasama ang mga transport companies at kooperatiba na naging kuwalipikadong tumanggap ng prangkisa sa ilalim ng Omnibus Franchising Guidelines. Ang mga individual jeepney operators ay hindi mabibigyan ng prangkisa kung hindi sila kasapi ng isang kooperatiba o kompanya.

Marami na ring mga transport groups ang sumama sa programa at may iilan na lamang na grupo ang patuloy na tumututol at nagsasagawa ng mga “tigil-pasada” na inilulunsad sa buong bansa sa pag-asang marinig ang kanilang hinaing at baka-sakaling mapagbigyan ang kanilang ipinaglalaban. Ayon sa mga tumututol na grupo ay hindi nila nakikita ang programa lalo na ang pagpapautang bilang isang solusyon at sa katunayan ay pinipilit silang mga operator na pumasok sa modernisasyon o phase out at ipalit ang mga e-jeep, solar jeep o mga modelo ng sasakyan na may makinang Euro-4 na nagkakahalaga ng PhP1.4 hanggang PhP1.6 milyon.

Kung titingnan mo nga naman ay tila mas lalong pahirap ang dulot ng modernisasyon sa mga drayber at operator dahil mawawala na nga ang kanilang mga jeep ay magkakaroon pa sila ng dagdag utang (na mas malaki) at papatayin ang mga maliliit na jeepney operators at papalit ang mga malalaki at mayayamang operator. Suportado naman daw ng mga grupo ng transportasyon ang rehabilitsyon sa sektor ng public utility vehicle ngunit tutol sila sa isang phase out ng “kilalang pinoy jeepney” na isang ipinagmamalaki ng Pilipinas.

Mula ng ilunsad ang panukalang modernisasyon sa pampublikong transportasyon ay kabikabila na ang isinagawang “tigil-pasada” at sinubukan pang idulog sa korte ang usapin subalit nabigo lamang ang mga tumututol. Hanggang ngayon kahit pa palaging nabibigo ang layuning paralisahin ang transporatsyon sa bansa ay palaging nabibigo ang mga grupong nagsasagawa nito at walang ganoong kalaking epekto sa trapiko. Kahit pa siguro aaraw-arawin ang tigil-pasada ay tila hindi na mapipigil ang modernisasyon sa pampublikong transportasyon.

Maganda ang layunin ng programa subalit ang pamamaraan ang tila hindi malinaw at mabigat para sa mga apektado. Iisa lamang ang nais ng mga operator at driver – ang kumita at may maisustento sa pamilya. Kung sa una pa lamang ay naipakita na ng gobyerno na hindi madedehado ang mga driver at maliliit na operator ay hindi sana nahihirapan ngayon na ipatupad ang nasabing programa. Sinimulan sana sa ilang piling lugar ang pagpapatupad nito upang makita sana ang kagandahan, kaayusan at kita dito, tiyak bukaskamay na tatanggapin ito ng lahat ng namamasadang Juan.

Amianan Balita Ngayon