IBAGIW’23: ISANG NATATANGING PARANGAL

NAGTAPOS kahapon ang halos ay isang buwan ng Ibagiw – ang malikhaing programa na
ipinagdiwang ang buhay at panahon ng mga Ibagiw – mga taga-Baguio at lumilikha sa Baguio. Buong buwan ng Nobyembre ay ating ninamnam ang mga dahilan n gating pagiging malikhain, isang likas na kakayahan na ating minana pa sa mga ninuno. Ang paglikha ay salamin ng ating kakayahang makaantabay sa agos ng buhay. At nitong Nobyembre, inilunsad ang Ibagiw 2023.

Ito ang ating taunang pagdiriwang ng buhay hindi lamang sa mahal na lungsod kundi pati na rin sa
ating kanugnog na mga lalawigan sa rehiyong ating kinabibilangan, mula noon hanggang sa kasalukuyan at maging sa kailan pa man. Ganoon naman tayo dito sa lungsod na minamahal. Basta
larangan ng kultura at sining, buong galak nating ibinibida kahit kanino pa man ang mga tinatamasang yaman ng lahi at lipi dito.

Kung ganyan na kahitik sa bunga ang dumaang panahon, hindi pa nagkasya upang masupil ang hangarin na muli at muli, mangibabaw ang kultura at sining na siyang pinaguugatan ng ating yaman. Ating pinaglaanan ng kakaibang panahon ang mga sari-saring mga pagdiriwang upang muli at muli, masaksihan ng buong mundo kung gaano natin pinahahalagahan ang yamang namana sa ating mga ninunong atin lamang binigyang pugay dahil na rin sa sila ay nasa ibang kamunduhan ng buhay.

Muli at muli nating bigyang galang ang mga manlilikha ng pagbabago, upang ang pagbabago mismo ang muling lumikha ng ng iba’t iba pang pamamaraan ng paggalang sa ating pagiging simula. Sa darating na buwan ng Disyembre ang panahong siyang yayabong sa kasiyahan,
siyang magbibigay ng higit pang kulay, higit pang tunog, at higit pang kamamalasan ng pagdiriwang na tanging Pilipino ang dating, dahil na nga sa ang pinanggalingan ay ay mga namana sa ating nakaraang lahi at lipi.

Salamat sa Ibagiw 2023, atin muling sinariwa ang buhay, atin muling ipinagbunyi ang kakayahang hindi ginugunaw ng ano pa man. Atin muling naipamalas ang iba’t ibang mga mukha ng paglalarawan. Atin muling nagisnan at nabigyang mulat ang kakaibang lakas na kailanman ay hindi masusupil ang kulturang kinalakhan. Kultura at sining – ito ang mga nagpanday sa ating lumalagong katauhan, na kahit na ano ang panahon ay patuloy na namamayani at yumayabong
pa. Dahil na rin sa pang kusangloob na gawaing nagbibigay sigla sa kulturang katangi-tangi sa atin.

Sa mga sumusunod na panahon, ating muling magkakapit-bisig na ihayag ang likhang Baguio na
mararamdaman sa mga obrang iniaalay sa makasaysayang pagdiriwang ng Ibagiw. Likhang Baguio ng taga-Baguio. Dito lamang sa Baguio na muling nagpamalas at nagpamangha. Isang malugod na
pagpupugay at pagbibigay dangal sa nagsasagawang ibandila ang henyo ng Ibagiw – gawa ng taga-Baguio para sa mundo ng kulturang patuloy na yumayaman sa iba’t ibang anyo ng sining at pamamahayag.#

Amianan Balita Ngayon