TRADISYUNAL NA LARO, TAMPOK SA BIYAG FESTIVAL 2024

TRADITIONAL GAMES—Ipinakita na makabuluhan pa din sa Cordillera ang mga tradisyunal na laro na ipinamalas sa pagdiriwang ng Benguet Indigenous Youth Arts Guild Festival 2024  sa Benguet Capitol Grounds, noong Abril 24.

Photo by Judel Vincent Tomelden, UB Intern/ABN


LA TRINIDAD,Benguet

Nagningning ang mga tradisyunal na laro ng mga katutubong grupo dito sa Cordillera sa pagdiriwang ng Benguet Indigenous Youth Arts Guild Festival 2024 sa Benguet Capitol Grounds,noong Abril 24. Ang pagdiriwang ay naging daan upang ipakita ang kagitingan at kakayahan ng mga katutubo, pati na rin ang kanilang pagmamahal sa kanilang kultura at tradisyon. Sa pangunguna ng BIYAG, ipinakita ng mga laro ang pagkakaisa at kahalagahan ng pagpapahalaga sa sariling lahi.

Kabilang sa mga ipinagmalaki at nakakatuwang bahagi ng festival ang mga tradisyunal na laro tulad ng Kadang-Kadang, Sack Race, Tatsing Lata, Sungo Challenging, Dikit Lobo, Kayabang Relay, Ropes, at Loslosot. Bawat isa sa mga laro ay nagpapakita ng kasanayan sa pakikipagtulungan, katatagan, at kasiglahan ng mga manlalaro. Nakibahagi rin sa festival ang mga kinatawan mula sa iba’t ibang departamento ng lokal na pamahalaan ng Benguet.

Hinati sila sa limang grupo na may tig-labing-isang manlalaro, kabilang ang Team Violet, Black, Red, Blue, at Gray.
Sa pagtatapos ng mga laban, ipinagdiwang ang tagumpay ng Team Violet bilang kampeon, na sinundan ng Team Black, Blue, Red, at Gray. Ang BIYAG Festival 2024 ay hindi lamang isang pagdiriwang ng kultura at tradisyon kundi pati na rin isang pagpapakita ng kagitingan at determinasyon ng mga katutubong mamamayan ng Benguet.

Amianan Balita Ngayon