Trillanes, handa na ang selda?

Daplis Walang Mintis Opinion

Habang sinusulat ang espasyong ito, masalimuot pa rin ang isyu hinggil kay Sen. Antonio Trillanes 1V. Ang sentro ay kung maaresto ba siya at maikukulong o mananatili siya sa saya ng Senado? Kailan ilalabas ang HDO – Hold Departure Order at Warrant of Arrest nito mula sa korte? May utos na ang pangulong Duterte (kahit nasa ibayong dagat pa) na arestuhin na ang senador dahil napawalang-bisa na raw ang kanyang tinamong amnestiya noong panahon ni Pres. Noynoy.  Talagang gusot pa rin, pards kung kaya subukan nga nating bulatlatin para maunawaan ng bayan.

***********

Mga pangyayari kung saan dawit ang pangalang Trillanes: Oakwood Mutiny, July 2003; Marines Stand Off,  Pebrero 2006; at Manila Peninsula Siege, Nobyembre 2007. Panahon noon ni dating pangulong Gloria Arroyo (House speaker ngayon) kaya siya ang gustong pababain ng mga pag-aaklas. Ngunit hindi nangyari. Nasukol at sumuko ang mga nag-aklas hanggang sa nabigyan ng amnestiya noong panahon naman ni dating pangulong Noynoy Aquino. Ang naturang amnestiya naman ang pinawalang bisa ng Proclamation No. 572 na nilagdaan ni Pangulong Duterte noong Agosto 31 kung saan binawi ang Revocation of DND Adhoc Committee Resolution No. 2 na may petsang Enero 31, 2011 kung saan binigyan ng amnestiya si Trillanes. Ayon kay Justice Sec . Menardo Guevarra (nangangasiwa ngayon sa tanggapan ng Pangulo), hindi umano nakasunod sa requirements ng amnesty si Trillanes kaya ni-revoke ang kanyang amnestiya.  Isinasaad ng Proc. 572 na hindi naghain ng isang official Amnesty Application Form si Trillanes at hindi umaming guilty sa tatlong pag-aaklas. Dagdag pa ni Guevarra na muling sasalang sa paglilitis si Trillanes sa military tribunal dahil hindi pa naman tapos ang kaso nito.  Posible aniya na sasailalim sa military custody si Trillanes habang dumadaan ito sa court martial. Yan ang dahilan kung bakit nag-utos na si Duterte na arestuhin ito. Pero nasa kustodiya ngayon ng senado ang senador.  Nangangahulugan ng tuloy ang kanyang trabaho bilang senador pero hindi siya puwedeng lumabas doon.

**********

Habang nasa senado si Sen. Trillanes, nakahanda na raw ang kanyang selda sa AFP Custodial Center sa Camp Aguinaldo. Kapag mangyayari ito, magiging kakosa niya ang walo sa binansagang Bilibid 19 na mga drug lords na sina Herbert Colangco, Rubert Durano, Jerry Pipino, Noel Martinez, German Agojo, Jaime Patio, Thomas Donina at Rodolfo Magleo. Ayon kay Defense Spokesman Arsenio Andolong na hindi na kailangan ng warrant of arrest ng korte para ipatupad nila ang pag-aresto kay Trillanes dahil sa ilalim ng military justice system ay kailangan lang mag-isyu ng arrest order ang Provost Marshal ng AFP para sa sinumang opisyal na isasalang sa court martial. Tanong: kung ganon pala eh, bakit hindi pa maaresto si Trillanes kahit nasa kustodiya ng senado? Ang gulo hane? Tapos pumapel pa si aktor Robin Padilla kung saan hinamon niya ang senador na lumabas na sa senado at harapin ang mga nag-aakusa?  Pinasaringan din siya ni Trillanes na utak-bata raw. Haayy naku, gusto pa yatang gumawa ng teleserye ang mga ito.

**********

Sa panig naman ni Sen. Trillanes, isa lang political persecution o harassment ang hakbang ng Malakanyang sa pagpapalabas ng Proclamation 572. Sabi niya: “Ito ay isang malaking kalokohan.  Alam niyo di naman ako bibigyan ng amnesty kung di ako nag-comply sa mga requirements.  Sumumpa ako kay former Secretary of Defense Voltaire Gazmin at mapapatotohanan yan ng mga DND officials.  Hindi mo puwedeng bawiin ang amnesty. Magpaturo nga sila sa mga law students!” Mabigat din ang pinanghahawakang posisyon ni Trillanes kung kaya’t nakikita nating malayo pa ang mararating ng isyung ito.  Kung baga sa pelikula nasa umpisa pa lamang tayo. Ang laman at kahahantungan ay aabangan pa rin natin. Sige, sundan natin ang lahat ng eksena sa teleseryeng ere! Adios mi amor, ciao, mabalos!