HANGGANG NGAYON, tila wala pa ring puknat ang pagppapaikot sa kamalayan ng bayan. Akala mo, dahil tapos na ang huling araw ng palitan, eh yun nay un, pinal na, at wala ng mababago pa? Esep-esep na naman, dahil kagabi lang nagpahayag ang mismong eredero ni PRRD, walang iba kundi si Bong Go na balak magpalit na naman ng desisyon.
Tila baga taliwas sa kanyang apelyido na Go ay urong-sulong naman pala. Uubra pa ba ang palitan sa panahong ito na umarangkada na ang pag-iikot sa buong bansa ng mga kabayong tila nakawala sa kural, sumisingasing ng walang patumana, maabot lamang ang entabladong isang gabi lang naitayo, magisnan lamang nga mga alipores na kung saan-saan nahikayat na makihiyaw, makisaya, at maki-agos sa takbo ng pulitika sa ‘Pinas.
Hindi ba wala pang isang buwan nang ang simpleng araw ng palitan — sa madaling salita, substitusyon — ay ginawang mala piyesta ang dating? Yung nag-file para Bise, napiling maging Presidente, iba pang partido ang ginamit.
Yung urong-sulong sa mga plano, kunwari ay Bise, naging Senador na lang, pero alam mong kapag ang napiling manok ang magwagi, sino kaya ang tatayong Pangulo? Aba eh, wala namang duda na ganun ang mangyayari, kahit na siya mismo ay magwaging kaawa-awang Senado.
Paano na kung di payagang baguhin ang mga oras ng sesyon? Ngunit, kagabi lamang ay ginulantang ang bayan nang ang Go-ing in ay mag may I Go out na lamang. Kawawa nga naman kung ang taong ito, na umamin na hindi nya kakayanin ang pagiging Pangulo, ay biglang naging tahanan ay Malacanang.
Tila baga, meron na namang dramang binubuo upang lalo pang guluhin ang madlang pipol sa hindi matapos-tapos na serye ng siglo.
Ngayon naman, ang natatanging anak ng dating Ama ng lahat, dekada sitenta, aba eh, patong patong na asunto ang biglang nagkabuhay. Sa loob ng kulang kulang na isang buwan, apat na pang-hadlang ang biglang ibinalandra upang maunsyami ang layuning maibalik sa palasyo ang dati ay pugad ng kanilang kaligayahan.
Hanggang sa dulo ng walang hanggan, pulitikang umaatikabo ang namamayani. Iyan ang kahihinatnan kapag usapang pulitika ang atin lamang pakikinggan. Sa nangyayari nga ngayon, walang katapusang balitang pampulitika ang nangingibabaw, lahat ng mata nakatuon sa nagbabalita, lahat ng tenga ay halos ipagdiinan sa pakikinig, mga mata ay nakatuon pero walang ningning, habang bukambibig ang mga pangyayaring sumasayaw sa abot ng kanyang kamalayan..
Ah basta, tuliro man o hindi, talipandas ang tawag sa mga sumusulat ng sript na pinaglumaan na noong 2016. Me susunod pa bang pahayag? Sabi ng barbero ko, ang lider ng Norte ay tiyak na patuwad ang bagsak kapag umaksyon na ang mga nangangasiwa ng halalan.
Aba eh, mismong ang kasalukuyang Pangulo na ang nagsabing “mahinang lider ang anak-mayaman, na tanging apelyido lamang ng pamilya ang tanging harap-harapang ibinabalandra sa atin. Bukod pa dyan, sinabi pang durugista, at syempre hindi ang mga pipitsuging bawal na gamut na sa kalsada lang ang bentahan.
Syempre, ang bilihan at gamitan ay sa mga mala-palasyon silid. Kapag nadiskaril ang pambato ng mga Ilokano sa usapin ng kuwalipikasyon,
hindi naman pwedeng ang ipalit ay hindi kapartido at kaapelyido. Nandyan ang kapatid na handing-handa upang balikatin ang gawain ng pagrebisa sa kasaysayan ng bansa.
Kung ganoon, tuloy ang ligaya, tuloy ang pyesta, tuloy ang parade ng mga payasong napakawalan at ngayon pa lamang ay pakaway-kaway, pakindat-kindat, at pa-kembotkembot sa saliw ng mga tiktok na himig.
Oh kayong mga magbabasa, gusto pa ba ninyong mapanood ang walang ending na istorya ng taon? Angat tayo? Paki-bulong na lamang, sabay hagalpak ng batok, at hampas sa bumbunan.
November 27, 2021
November 27, 2021
April 19, 2025
April 19, 2025
April 19, 2025
April 13, 2025
April 13, 2025