Tumatabang industriya ng pagbababoy, gatasan ba ng ilang mapagsamantala?

Pilipinas ang siyang ika-sampung pinakamalaking kumokunsumo, ika-walong producer at ika-pitong pinakamalaking umaangkat (importer) ng baboy sa buong mundo. Walang duda na sadyang mahilig sa baboy ang mga Pilipino, katunayan ay nakakaubos ng halos 35 kilo ng karne ang isang Pinoy taon-taon kasama dito ang average na 15 kilong karne ng baboy.
Sa populasyon na mahigit 101 milyon, sagana sa baboy ang Pilipinas dahil ito ay pamalit sa kalimitang mahal na karne ng baka at paminsan-minsang murang karne ng manok. Ang industriya ay matatag na lumalago habang lumalaki ang populasyon ng bansa na may average 1.6 porsiyentong dumadagdag bawat taon, katumbas ng halos 5,000 bagong bibig na pakakainin araw-araw.
Sa laki ng pangangailangan (demand), ang lokal na industriya ng baboy ay isa sa pinakapinagkikitaang kalakal na may halagang PhP200 bilyon at may ambag na 18.28 porsiyento sa agricultural output ng bansa noong 2015 na pumapangalawa lamang sa bigas.
Hanggang noong Oktubre 2020, sa ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA), ang kabuuang imbentaryo ng baboy sa bansa ay tinatayang nasa 11.27 milyon ulo, mas mababa ng -13.4 porsiyento mula sa 13.01 milyon ulo sa parehong panahon ng 2019. Ang populasyon ng baboy sa parehong backyard farms at commercial farms nagmumula.
Nagbibigay ito sa libo-libong maliliit at middleclass ng mabuting nergosyo at oportunidad sa pangkabuhayan dahil madaling alagaan ito ng sinumang miyembro ng pamilya at maaaring umabot sa 100 kilo sa loob lamang ng anim na buwan. Dito sa Cordillera na hindi nawawala ang baboy sa bawat okasyon dahil kasama na sa tradisyon ang pagkatay ng baboy, kaya halos lahat ng mamamayan ay nag-aalaga.
Ang kabuuang produksiyon mula Hulyo hanggang Setyembre 2020 ay tinayang nasa 508.91 thousand metric tons na liveweight. Ito ay -7.7 porsiyentong mas mababa kumpara sa parehong quarter na 551.62 thousand metric tons noong 2019. CALABARZON ang nanguna sa produksiyon ng baboy sa nasabing quarter na may produksiyon na 90.89 thousand metric tons, liveweight. Sinundan ito ng Central Luzon at Northern Mindanao na may 55.95 thousand metric tons, liveweight at 50.10 thousand metric tons, livewight.
Ang mga rehiyon na ito ay nagaambag ng 38.7 porsiyento ng kabuuang produksiyon ng baboy ng bansa. Kumpara sa kanilang lebelo sa parehong quarter ng 2019, anim na rehiyon ay nag-ulat ng mga pagbaba sa produksiyon kung saan ang Central Luzon ang may pinakamalaking pagbaba na -45.6 porsiyento na may 102.92 thousand metric tons na produksiyon sa parehong quarter noong 2019.
Dahil sa tuloy-tuloy na pagtaas ng pangangailangan (demand) gayunman, ang Pilipinas ay naging isa ring malaking importer ng baboy na umaangkat ng 312,499 metric tons ng karne ng baboy mula Europe at iba pang rehiyon noong 2018, isang 13.85 porsiyento paglundag mula 2017 ayon sa ulat ng PSA.
Wala ring duda na ang pinakamatinding dagok sa industriya ng pagbababoy sa Pilipinas ay ang kasalukuyang paglaganap ng African Swine Fever (ASF) na pinaghihinalaang nadala sa bansa dahil sa kontaminadong tira-tirang pagkain bandang Hulyo ng 2019. Maliit ang tsansang makaligtas ang baboy na nahawaan ng ASF at napakabilis ding makahawa sa iba pang hayop kaya ang mga apektado ay kalimitang pinapatay o preventive culling. Sa ngayon ay wala pang aprubadong bakuna sa ASF.
Sa pagsiklab ng pandemya sa COVID-19 ay lalo pang nadiskaril ang kalakalan sa pagbababoy, dulot nito ang biglang pagtaas ng presyo kada kilo sa mga palengke, ang pagsasara ng ilang piggery farms at pagkawala ng trabaho ng libo-libong trabahador. Mula Disyembre 2020 hanggang ngayon ay higit isandaang piso na ang itinaas ng mga presyo na umabot sa PhP400 bawat kilo sa mga palengke.
Maliwanag na ang epekto ng ASF sa industriya hanggang ngayon ay nakakabahala – nalulugi na ang indsutriya ng nasa PhP1 bilyon bawat buwan. Kaya ang masyadong mataas na presyuhan ay naging sanhi ng pagtaas din ng inflation rate na nasa 4.2% na. Sa Pebrero 8 ay ipapatupad na ang kautusan ni Pangulong Duterte ang price ceiling na PhP270 hanggang PhP300 kada kilo sa baboy, isang bagay na hindi matanggap ng mga tindera at tindero dahil sa puhunan pa lang ay talo na sila. Kaya nanaisin pa ng ilan na huwag na lang magtinda kaysa malugi naman ng todo.
Upang manatili sa kalakalan at maisalba ang industriya ay kailangang maging masmapagmasid pa ang mga nag-aalaga sa pagbabantay at pangangalaga ng kanilang babuyan – hindi lamang laban sa ASF kundi sa iba pang sakit, higit sa lahat sa mga nagsasamantala. Ngunit paano kung mismong ang gobyerno ang nanggigipit sa mga nangangalakal at biyahero dahil sa
bukod sa maraming rikisito ay mahal pa ang mga permits at fees?
Paano kung ang mismong farmgate price ang mataas? Paano kung mismong mga malalaking grupo ng pangangalakal sa baboy ang nagmamanipula sa mga presyo na may kasakapat sa gobyerno? Marahil kung nabababoy ang mga kalakaran at nagiging gatasan ang industriya ng mga mapagsamantala, mas mabuti umiwas na sa baboy dahil kung mahal ang presyo ay mas mahal ang gamutan sa alta-presyon.

Amianan Balita Ngayon