NGAYONG ARAW, ibababa na ang kurtina ng tanghalan upang bigyang pagtatapos ang napakasaya at nakakatulirong mga kaganapan ng muling itinanghal ang dati ay taunang pagdiriwang ng Panagbenga. Walang duda, napakamatagumpay ang selebrasyon ng taas-noo nating katangi-tanging Baguio Flower Festival. Tunay na sinabik ang madlang pipol – ang mga
bisitang muling umapaw sa lungsod, at maging tayo mismong nananahanan sa Baguio. Umapaw sa galak ang paglunsad na mga pagdiriwang.
Nilunod ang nagdaang lingo sa kasiyahang walang katulad, patunay na ang Panagbenga, anuman ang taon, ay laging nangunguna sa paningin ng bawat Pilipino. Hindi maikakaila: muli tayong pinaindak ng Grand Street Dancing Parade, muli tayong sinamahan sa pagbibigay ng paghanga sa
Grand Float Parade. Dagsa ang madlang bayan, pati na ang mga bisita, sa ating mga pangunahing kalsada upang saksihan ang selebrasyong buong pagmamahal na tinanggap.
Mga nanood, nakihiyaw, tugon sa bigay pusong pagsasayaw ng mga kabataang bigay-todo sa kani-kanilang interpretasyon ng katangi-tanging palabas, tugon sa mga nag-gagandahang karosang hitik sa bulaklak na buong tingkad na binigyang bihis ang mga sasakyang pumarada sa ating harapan.
Ngayong araw, ibang klase naman ang mangingibabaw na magtatapos ng isang buwang paglulunsad ng Panagbenga 2023 at ang pagpapasinaya sa mga kaganapang nagbigay kulay at
buhay sa pambatong pestibal ng Pilipinas.
Hinding hindi malilimutan ang kasiyahang sumambulat saan man sa lungsod ng muling itanghal, ang pinanabikang parada ng mga plota, mga sasakyang napalamutian ng iba’t ibang bulaklaking dekorasyon. Hiyawan sa galak ang mga nakapanood at nakisaya sa pagbabalik ng pagdiriwang
bilang alay sa mabukadkad na kapaligirang naging simbolo ng muling pagbangon ng lungsod.
Sa araw na ito ng pagtatapos, atin muling bigyang tinig ang kagalakang buong layang humuhulagpos sa bawat damdamin.
Iparinig natin kakaibang tunog ng Panagbenga. Ipamalas natin ang hindi mapipigilang kasaysayan ng isang lungsod na hindi nagpapapigil, hindi nagpapadaig sa hampas ng isang pandemyang
naghihikahos sa paghinga. Ialay natin ng buong pagkukusa na kailan man buong-buo ang pagmamahal natin sa Inang Kalikasan, hindi matatawaran, hindi magpapailang, anuman ang hamong dulot ng kung minsan ay mapagmalabis na panahon. Panagbenga 2023: Ang
ipinagmamalaking kampeon ng mga pagdiriwang walang hamon na tatanggapin, anuman ang hampas at hagupit.
Mabuhay tayong mga taga Baguio! Mabuhay ang mga naging punong abala upang muling maibalik ang pagdiriwang ng ating kalikasang binibigyang buhay ng ating mga bulaklak na taas noo nating inaaruga. Nitong mga nagdaang buwan, hindi matatawaran ang bagong sigla ng turismo. Hindi
matatawaran ang pagtanggap ng muling pagbangon ng industriyang sinalanta ng ngayon ay naghahabol hiningang pandemya. Eh hindi ba’t lahat na ng mga pagkilos ay ginagawa upang mabigyan ng kakaibang sigla ang turismo? Ginawang asul ang Burnham Lake – sa totoo lang, berde at asul ang sa kasalukuyang kulay ng lawa.
Hindi bale, at naging kakaiba ang kulay na ilang dekadang ring kulay putik. Kaliwa’t kanan naman ang mga creative events na inilunsad, ang mga tradisyonal pinasinayaan, ang mga bagong aktibidad binigyang pagkakataong makahugot ng paghanga. Dinagsa ng mga nanonood, nakiisa sa
selebrasyong higit dalawang taon na pinanabikan, dahil na rin sa nasa ng lungsod na mangibabaw ang kaligtasan at kalusugan ng sambayanan. Ang larangan ng turismo ay buhay na buhay na ngayon, umaahon, bumabangon, umaangat at pnaaagos ang daloy ng kakaibang kaganapan.
Patunay lamang ito na kailanman, hindi padadaig ang Baguio sa hampas ng delubyong ngayon ay
papatapos na. Patunay pa ito na nananaig ang hangaring mapanumbalik ang lungsod sa daang maayos. Dito namamayani ang Good Governance na pinaiiral ng isang pamamahalang mapagkumbaba ngunit desididong nasa tama ang mga gawain. Ang pagsasaayos ng mga patakarang nasa matwid ay maaaring hindi makamit sa isang magdamag, ngunit ang determinasyon na ipinamamalas ay palagiang inspirasyon sa mga namamahala upang lalo pang
palakasin ang mga stratehiyang sumesentro sa mabuting pangangalaga ng malawakang kapakanan.
Sa sama-samang pagsasabalikat ng tungkuling naiatang, muli, aaliwalas ang kalangitan at malayang tatanggapin ang alay sa mga natatanging yaman ng kalikasan na naging ugat ng buhay sa
maliit na sulok natin sa mundong ibabaw. Sa pinag-isang hangarin, muli, maipamamalas ng Baguio
ang katangi-tanging ganda, yumi, at kariktan ng isang lungsod na hindi magpapadaig sa mga hagupit ng hamon at hampas ng pagkakataon. Ang pagbabalik ng ating lungsod sa kamalayan ng
mundo ay nagaganap dahil na rin sa pinagsama-samang pwersa ng lahat ng sector ng lipunan.
Tama si Mayor Benjie na nasa pinag-isang balikat ng publiko at pribadong sangay ng Baguio ang pag-sasayos, ang pagpapaganda, at ang pagpapabuti ng buhay ng lungsod. Ang kalimitang iginigiit
nga ng ating Ama ng Lungsod: Mabuting pamamahal sa pinag-isang diwa!” AngatTayoBaguio –
nandyan ang progreso!
April 19, 2025
April 19, 2025
April 19, 2025
April 13, 2025
April 13, 2025