Turista at bagong negosyante, dumami sa Baguio

Iniulat ng City Planning and Development Office ang pagtaas ng bilang ng mga turista sa lungsod at maging ang pagdami ng mga bagong negosyante rito.
Iniulat ni CPDO head Evelyn Cayat na may kabuuang 1,294,906 turista ang bumisita sa lungsod noong nakaraang taon na may 16.1 porsyentong pagtaas kung ikukumpara noong 2015.
Ani Cayat, ang pinakamataas na tourist arrivals ay naitatala tuwing Panagbenga festival, Holy Week at Christmas season.
Maliban sa pagtaas ng bilang ng mga turista ay iniulat din ni Cayat ang pagdami ng mga bagong negosyante na nag-apply para sa business permits.
Aniya, noong 2015 ay inaprubahan ng pamahalaang lungsod ang 18,518 business permits kung saan 11.5 porsyento ang mga baguhang nagparehistro. Sa kabuuan ay lumaki ng 3 porsyento ang bilang ng mga kompanya.
Noong nakaraang taon, lumaki ng 40.8 porsyento ang mga bagong negosyanteng nagparehistro ngunit bumaba ng 1.8 porsyento ang mga nag-renew.
“These statistics demonstrate strong business confidence as more businesses are established within the city. More businesses mean more investments and employment,” ani Cayat.
Dagdag pa nito, ang mga bagong establisimyento na may kaugnayan sa real estate ay halos nag-triple noong 2016 at ang real property tax collection ay umangat nang 7.6 porsyento. GABY KEITH, PIO / ABN

Amianan Balita Ngayon