Turukan bumagal… Pulitika bumilis!

Malayo pa raw ang eleksiyon ngunit namumuro na sa pabilisan ng usad ang mga nagpaparamdam na mga pulitiko. Sabi nga nila – medyo mabagal pa rin daw ang usad ng turukan o bakunahan pero ang usad ng pultika, para na raw “bullet train” sa bilis.

Tanong: BAKIT KAYA? Ito nga mga pards ang ating pupulsuhan at hahalukayin para makapagpahinga muna tayo kay Covid-19: Patung-patong na mga tanong ang pabalik-balik na parang “trapo” o “traditional politician” sa tuwing nalalapit ang pilahan (hindi sa bakuna) ng kandidatura.

Parang tradisyon na yata ire sa ating bansa, sabi ng marami. Ngunit ang pinakamalaking katanungan ay eto: bakit marami ang gustong pumasok sa pulitika kahit na magulo at magastos pa? Tiyak na nangunguna sa inyong mga maaring isagot ay: gustong manilbihan. Hmmm…totoo kaya? May bumulong nga eh: kung gusto mong magkaproblema ang iyong kakilala…itulak mo sa pulitika.

Pero meron namang ngising-aso ang tumapik : may “datong” riyan, pare. Ano man ang inyong pananaw kung bakit marami ang pumapasok sa larangang ito ng pulitika…sana hindi kayo sumablay….sana mag-dilang anghel ang lahat. Bulong: mas mahaba raw ang dila ng “demonyo”..ngek!

Kamakailan lang…nasilip na natin ang mga pahapyaw ng mga gustong tumakbo at gustong patakbuhin sa eleksiyon-2022. May mga pang-nasyonal at may mga pang-lokal na rin. Ang masaklap pa nga…dahil sa ambisyon sa pulitika, pati mga magkakapartido, nag-uumbagan na.

Tsk tsk..meron pa nga riyan….magkakamag-anak nga, nagpipisaan pa. Yan ang bulik ng pulitika. Mga matitibay ang kartada, pahapyaw lang na halos hindi marinig. Pero yong mga suwapang este, mga gustong mangagaw pa rin ng eksena kahit pa alam na wala na siyang kartada…umeepal pa rin, pards. Malay nga natin baka makatsamba.

Sabi nga ng ilan: itudo mo na ang iyong ambisyong-pulitika habang may tsansa ka pa. Total ang talukbong mo para di ka bukilya ay..”public service” kuno. Sa mga daplis nga ng ilan para sa mga aspirante: yong limpak na perang gugugulin ninyo sa kampanya…itulong na lang ninyo sa ating bansa kontra sa pandemyang Covid-19.

Ang masakit kasi, pati Covid-19, ginagamit na pampaulitika ng ilang mga opisyal. Yong mga opisyal na tunay na tumutulong sa mga kababayan kontra Covid-19 ay halos makikilimos na ng mabilis na bakunahan. Alam ng lahat na sumasabay ang mga sakuna sa mga hakbang ng gobyerno kontra Covid- 19.

Nariyan ang sunog, baha, putok ng bulkan (nagbabanta na naman ang Mayon at Pinatubo liban kay Taal), putok ng butsi sa mga iringan at siraan at putok ng “inis” kontra pulitika. Dapat magkaisa tayong dumalangin na nawa’y mawala na si Covid-19 at makabalik na tayo sa dating pamumuhay.

Sa ganitong panahon ng pandemya, marami tayong aral na nakita. Marami sa atin ang natutong magsikhay o magbanat ng buto. May mga naging negosyante kahit sa maliit lang basta’t may mapagkukunan ng lamang-bituka. Tanggap ng marami na hindi makakasapat ang ayuda ng pamahalaan.

Hindi puwedeng mamuhay tayo sa ayuda ng iba kundi mula sa ating pawis at banatbuto. Kaya sa pamamagitan ng espasyong ito…mawalang-galang po sa mga masasagasaan….hindi dapat pulitika ang umiral sa gitna ng pandemya. Iligtas mo ang iyong sarili upang makapagligtas ka rin ng iba.

Huwag ipagmaramot ang iyong alalay upang sumagip ng buhay. Hindi natutulog ang katotohanan: kung ano ang iyong ginawa sa iyong kapwa, triple ang balik sa iyo sa hinaharap. Higit sa lahat, nakamasid sa atin ang ating Poon. Amen. Adios mi amor, ciao, mabalos.

Amianan Balita Ngayon