“Namumuo na ba ang hugis ng pulitika sa Abra?”

Opinion

Ang kamakailang karumaldumal na pagpaslang sa isang barangay tserman ng isang barangay sa Bangued, ang capital ng Abra, ay hitik sa pahiwatig sa namumuong hugis ng eleksyon sa lalawigan sa 2022.

Bukod sa alyado diumano itong si Lubong barangay tserman Robert Villastique ni Bangued mayor Dominic Valera at ang anak niyang si Gov. Joy Valera-Bernos, mahalagang personahe at lider ng mag-ama daw ang napaslang sa silanganing bahagi ng capital town, na liglig ng botante.

Ang Bangued, bilang sentro ng kalakal at pulitika ng Abra, ay napakahalaga sa mga pulitiko dahil kung sino ang may control sa sentrong bayang ito ay hahakot sa karamihang boto ng probinsya.

Malaking kawalan ang isang matibay na alyado gaya ni Villastique sa “foot hold” ng mag-amang Valera sa sentrong bayan. Napakagaling ang arkitekto nitong pagpaslang kay Villastique!

Nais daw “sindihan” sina Mayor Dominic at Gov. Valera na bumawi sa pagkawala sa kanilang alyado, upang makasuhan at magbunsod ng posibleng diskwalipikasyon sa darating na halalan. Sa lalong madaling panahon, malalaman na natin sino ang mistulang mga hahamak sa control ng Bangued, sa probinsya pati na rin sa lone district ng lalawigan.

Bilang pasilip, matunog ang political families na Bersamin, Seares at Luna na mga dati nang nakalaban ng mga nakaupo ngayon sa probinsya. Maaala niyo ba si dating Chief Justice Lucas Bersamin? Hindi naman daw siya tatakbo sa anumang elective position.

Kung tama ang dinig ko, mailuloklok siya sa isang mahalagang katungkulan na maaring makaimpluwensiya sa halalan. Ngiting panalo naman kaya ulit si Rep. Joseph “JB” Bernos?

Malamang wala daw maglalakasloob na lumaban dito sa dinamidami ng kanyang “accomplishments” bilang mambabatas. Kanya’t talasan ang mga mata dahil ang mga susunod na yugto sa buhay pulitika sa Abra ay magiging kapapanabik.

Sana lang hindi kahindik-hindik sa panunumbalik ng karahasan, dahil higit na sasalantain ay ang nakararaming mamamayan, hindi naman ang mga pulitikong yan!