URONG SULUNG

TILA BANTULOT ang mamamayan na alisin ang facemask sa kanilang mga mukha kapag nasa outdoor
setting. Nitong mga huling araw, habang binabagtas natin ang maikling ruta ng mga pangunahing
daanan, mapapansin na ang face mask ay patuloy pa ring ginagamit na pantakip ng mukha. Ginawa ng
opsyonal o boluntaryo ang pagsusuot nito ni PBBM, ayon na rin sa rekomendasyon ng national IATF.

Ngunit, heto, nandoon pa rin ang facemask, tinatabingan ang ilong at bibig, tulad ng lampas 2 taon ng pag-gamit nito. Anyare? Simple lang, sabi ng barber ko. Oo nga’t papawala na ang pandemya. Oo nga’t parang normal na ang kalakaran ng mga tao. Oo nga’t ang panganib ay hindi na tulad ng dati, na halos 10,000 kaso ang naitatala kada araw. Ganun pala naman, aking dagliang sagot. Eh bakit nandoon pa rin si facemask, halos palagian pa ring suot-suot ng mga tao?

Simpleng, sagot ni barber, ayaw pa nilang ipagsapalaran ang panganib na dala ni covid. Tuloy pa rin ang
paglaganap at tuloy pa rin na hinahawaan ang madlang pipol. Sa madaling salita, medyo nagisip pa si barber, sa mga hindi pa na-covid, gusto mo bang nailista rin ang ngalan mo, maisailalim sa pangangalaga ng mga doctor at narses, ma-ospital, dumaan sa katakot-takot na medical tests? Kaya mob a ang gastusin? Kaya naman, hindi sorpresa na hanggang ngayon, mayroon pa ring agam-agam ang sinoman.

Tutal naman, natiis mo ang lampas 2 taon ng pagsusuot ng face mask, sa loob man at labas ng tahanan, bakit ka pa susugal. Idagdag mo pa na hanggang ngayon, mayroon pa ring mga naililistang mga naimpeksyon. Kaunti man, palatandaan pa rin na nandyan pa si covid at ang kanyang mga anak at apo, mga super variant na patuloy ang pananalasa. Linawin pa natin na hindi pangkalahatan ang opsyonal na
gamit ng face mask kapag nasa outside setting. May mga pinagbabawalan pa ring mga uri ng tao sa opsyonal na facemask use.

Sino-sino sila? Ang may katandaan ang edad, o dili kaya kapag may sakit ng dinadala, yung ang tawag ay comorbidity. At para sa lahat, idagdag mo pa ang mga mataong lugar, yung mga crowded at bungguang balikat, dapat isuot ang facemask, at baka dyan ka mahawa ng mayroong virus sa katawan at hindi pa alam. Atin ding ulitin ang iba pang paliwanag ng mga nakaaalam. Iisa lamang ang ibig sabihin ng malawakang kautusan na gawing boluntaryo ang pagsusuot ng face mask. Tulad sa maraming bansa sa
buong mundo, tanging Vatican at Pilipinas ang mayroon pang mandato na sapilitang pagsusuot ng
face mask.

Kaya naman, kinakailangan pang ang mga lungsod sa Kabisayaan ang magpasaring na panahon na upang isantabi ang face mask kapag nasa open o public spaces. Bagama’t bantulot ang mga health experts sa biglaang pagaalis ng face mask bilang pang publikong paraan ng self-protection, napasunod na rin sila sa pambansang kautusan. Hindi naman sinasabing hayagang biglang bukas ang mukha sa muling pananalasa ng pandemya.

Sa panahong tila patuloy pa rin naman ang sitwasyon ng pandemya — eh hanggang ngayon naman ay may katindihan ang paglilista sa mga bagong naiimpeksyon — ay hindi dapat pagtakhan ang bantulot na pagsasaalang-alang ng mga namamahala sa ating publikong kalusugan. Hindi pa naman tuluyang nawawala ang covid-19. Araw-araw, mayroon at mayroong mga bagong kaso ng impeksyon.

Kaya naman, ang ibang sektor ng populasyon ay tila hindi gaanong kumbinsido na alisin ang face mask kapag nasa labas. Ayaw nilang mahawa o makapag-hawa ng iba, lalo na ang mga kapwa na hindi
bakunado, o hindi pa nabibigyan ng booster shot. Why take chances, ika nga sa Ingles ng aking barber.
Idagdag pa ang isa pang ugali na sa panahon ng konting karamdaman, ang perang pambili ng gamot, pangbayad ke Doc, at pagpapa-ospital ay sa pang-arawaraw na pangangailangan ginagamit, lalo na ang pagseseguro na tatlong beses sa magdamag ay may pagkain sa mesa, me pambayad sa koryente
at tubig, at ngayong pasukan, na ginawa ng in-person or face-toface, eh di ba dapat dag-daggastusin ang pag-aaaral ng mga tsikiting, ni Kuya at ni Ate.

Konting sipon-sipon, konting ubo-ubo, kakayanin pa iyan. Pinoy nga tayo, pinaiiral ang mga kalakaran ng pangangalaga na dapat wais lang. Sige, nasa ating mga kamay pa rin ang tamang option (dahil opsyonal naman). Ikaw ang may hawak ng iyong buhay. Maging maingat sa lahat ng panahon at pagkakataon.
Dyan tayo aahon, babangon, at aangat sa panahong nagluluwag ang mga kautusang pang-kalusugan
at kaligtasan.

 

Amianan Balita Ngayon