“Vote buying… dati nang gawain sa Abra at kung saan man sulok”

Hinihingi ang pagbalasa sa kapulisan, lalo na ang pamunuan ng Abra police sa nararamdamang pagwawalang bahala sa pamimili ng boto sa probinsya.

Tatlong libo ang ipinamimigay sa pamamagitan ng mga kapitan ng barangay sa Bangued, Abra para sa posisyong pagka Gubernador, Bise Gubernador, at Mayor ng Bangued.

Isang libo naman ang narinig na ipinamigay sa Tayum, ang karatig bayan ng Bangued. Normal na kung ituring ang ganitong kalakaran sa Abra, ika ng karamihan.

Umaangal na lang ang mga hindi nakakatanggap at mga pulitikong hindi kayang tapatan ang halagang pinamimigay ng kalaban.

Suko rin ang kapulisan sa vote buying. “Okay lang ang vote buying, wag lang silang magpatayan!”, ika nga ng isang PNP General dati.

Ngunit sa tingin ng mga mulat ang kaisipan, pagabandona sa tungkulin ng pulis ang pagsawalang-kibo sa krimen. Ang vote buying ay
isang uri ng krimen! Kanya nga lang, ayon sa liderato ng Abra police, pangunahing tungkulin nilang mapanatili ang kaayusan at katahimikan. Sadyang itinuturo ang Comelec na siyang dapat nag-i-imbestiga dito.

Sabagay, kailan pa naging “deliverables” ng kapulisan ang pagsawata ng vote buying, kundi pangunahin dapat ang Comelec!

Ngunit sa kasalukuyang bilang ng mga taga Comelec sa mga bayan-bayan, pano nila magampanan ang pagsawata sa vote-buying? Iba pang usapin kung gaano sila kapursigidong labanan ito.

Aminin man o hindi, pabor sa mga namimili ng boto ang sitwasyon. Tama na naman si President Digong? Mahirap masawata ang vote-buying?

Amianan Balita Ngayon