“Vox Populi” – nagsalita na ang higit 31 milyong mga Pilipino

Editorial

Matapos ang tatlong buwan na maingay, kapana-panabik, maintriga at higit sa lahat mapanganib na kampanya para sa Mayo 9, 2022 na halalan dahil nasa gitna pa rin tayo ng panganib na dulot ng pandemya sa Covid-19 ay nairaos na rin sa wakas ang halalan, isang makasaysang eleksiyon sa bansa sa ilang aspeto – may nanalo na!

Nagsalita na taumbayan, inihalal na nila si Ferdinand “BongBong” Marcos Jr. sa pagka- Pangulo at Sara Zimmerman “Inday Sara” Duterte-Carpio sa pagka-Bise Pangulo na mamumuno sa Pilipinas sa susunod na anim na taon dahil napakalaking mga boto at agwat sa mga sumunod na katunggali nila – isang makasaysayang pagkapanalo.

Vox Populi, isang Latinong parirala na literal na isinasalin bilang “ang boses ng mga tao” na maaaring makita sa mas mahabang sawikaing, Vox populi, vox Dei, na ibig sabihin ay “Ang boses ng mga tao ay ang boses ng Diyos.” Maraming tao ay iniisip na ang ibig sabihin ng ekspresyon ay laging tama ang mga tao, subalit ipinapahiwatig nito na ang kagustuhan ng masa o nakakarami – tama o mali – ay karaniwang hindi mapigilan.

Ayon kay Wikipedia, ang pariralang Latin ay unang ginamit ni Alcuin, isang klerong Ingles, iskolar, guro at tagapayo ni Charlemagne, ang Banal na Emperador ng Romano na namuno sa karamihan ng kanluran at gitnang Europa sa Unang Bahagi ng Edad Medya (Early Micle Ages).

Sumulat si Alcuin kay Charlemagne ng isang liham na pinapayuhan siya na “huwag makinig sa mga nagsasabing ‘Ang boses ng mga tao ay ang boses ng Diyos,’ dahil ang ingay ng pulutong ng tao ay palaging malapit sa kahibangan.”

Sa panahong ito ay hinikayat ni Arsobispo Socrates Villegas, isang kasalakuyang-panahon na apostol ni Kristo at kaparian ng simbahang Katoliko ang mga mananampalataya na “tingnan, humatol, at gumawa,” subalit tila ang panghihikayat ay hindi na mahalaga para sa mga mananampalataya na tingnan, humatol at gumawa. Ang problema ay ang balangkas ng kanilang sanggunian para sa kanilang pagpili o paghatol.

Sa isang banda, una ring ginamit ang “Ang boses ng mga tao ay ang boses ng Diyos” ng Arsobispong Ingles ng Canterbury na si Walter Reynolds sa isang sermon noong 1327 laban kay Haring Edward II kung saan nais ng Arsobispo na tanggalin sa trono.

Sinusuportahan ni Reynolds ang asawa ng hari na si Reyna Isabella sa kaniyang paghihimagsik laban kay haring Edward II. Sa Pilipinas ay kahalintulad nito ang nangyari noong 1986 kung saan pinatalsik si Pangulong Ferdinand E. Marcos Sr. sa Malakanyang sa pag-uudyok ng Arsobispo ng Manila na si Cardinal Jaime L. Sin sa EDSA People Power Revolution.

Sa agham pampolitika, ang kasabihang “ang boses ng taumbayan, siya ring tinig ng kalangitan” ay ginamit ding argumentong retorikal upang mapatalsik si dating Pangulong Joseph Ejercito Estrada.

Ang kababalaghan sa nakakabighaning pagkiling bilang isang modelo ng politikal na pagkiling kung saan inaari ng mga tao na nagsasalita para sa Diyos, hindi para sa kanila, na karaniwang ipinapalagay para sa isang demokratikong lipunan ay parehong makikita sa mga imperyo ng politika at relihiyon na ipinakita sa tanyag na ekspresyong republikano na “Vox populi, vox dei” at sa mga propesiya ng Second Great Awakening (Ikalawang Dakilang Pagkamulat).

Pinagsama ni Charles Brockden Brown sa kaniyang nobelang Wieland (1798) ang kulturang propesiya ng politika at relihiyon tungkol sa bentrilokiya (ventriloquism), isang sinaunang paggalugad ng teolohiya sa politika, isang pag-aaral sa mga paraan kung saan ipapasok ang mga prinsipiyong teolohiya sa mga republikanong kaayusang pulitika.

Nagsalita si Cicero ukol sa mga opinyon ng mga tao at ang paniniwala sa iudicium, ang diwa ng kaunawaan at paghatol na lumikha sa pampublikong opinion.

Naniniwala rin si Cicero na ang mahalaga lamang na lugar para sa opinion ng publiko ay kung saan ang mga desisyon ay nagagawa – sa mga lugar na may napakalaking importansiya, at naniniwala siya na ang banal na tinig ay lumalabas sa mga matitinding lugar, hindi sa araw-araw o mga lugar kung saan ang mga tao ay hindi sumasali sa edukadong mga debate o mga iginagalang na banal na lugar.

Sa pagkakataong ito ang pinakamabisang lugar sa paghayag ng opinion ng publiko ay sa “halalan” kung saan ang pagiging pangmaramihan at batas ng malaking numero ay nangingibabaw sa ilalim ng malaya at demokratikong proseso.

Magkakaiba man ang pananaw sa kawikaang “vox populi, vox dei”, sa ngayon ang higit na nakakarami ay nagsalita na – ito ay dapat respetuhin bagamat kailangan din nating bantayan ang mga galaw at pamamaraan ng mga bagong halal na pinuno sa loob ng anim na taon. “Ang nangyari ay mangyayari uli; walang anumang bago sa ilalim ng araw.”