LUNGSOD NG BAGUIO – Hindi na kailangan mag-alala ang mga project contractors sa lungsod ukol sa “SOPs” o “under the table” at iba pang gawaing korap na kinasasangkutan ng mga imprastruktura at iba pang proyektong ipinapatupad sa lungsod.
Siniguro ni Mayor Benjamin Magalong noong Pebrero 28 na ang lahat ng ito ay mga bagay ng nakalipas at nagpupursige ang kaniyang administrasyon na itama ang maling gawain ng nakaraan at itaguyod ang isang bagong kultura tungo sa tapat na implementasyon ng mga proyekto upang makamit ang kalidad at tunay na mga benepisyo.
Sinabi niya na kapag wala ang mga di kinakailangang dagdag sa mga halaga sa panig ng mga contractor, masisiguro ang buong ganansiya ng kanilang mga proyekto at dahil dito, inaasahan sa kanila na ibigay ang pinakamaganda nilang trabaho sa pagsunod sa project specifications hanggang sa kaliit-liitang detalye at siguruhin na ang kanilang gawa ay mataas ang kalidad.
“Buong buong pupunta sa inyo ang kita nyo ang hinihingi lang namin, come up with quality projects,” ani Mayor.
Nakipagpulong si Magalong sa mga department heads sa pangunguna ni city administrator Bonifacio Dela Peña, city engineer Edgar Victorio Olpino at city building and architecture officer-incharge Johnny Degay sa nasa 200 contractors na may mga proyekto sa lungsod at iprinisinta ang estado at outlook ng mga proyekto sa lungsod.
Sinabi ng mayor na maraming proyekto ang nakalinya kabilang na ang mga “big ticket” gaya ng Burnham Park at city market development at nais nilang magkaroon ng patas na pagkakataon ang mga contractor.
“Big or small projects, the city needs to but please do it well,” panawagan ni Dela Peña. Nabigyan din ng pagkakataon ang mga contractor na ihayag ang kanilang mga reklamo at suhestiyon sa pagpapahusay ng mga paraan ng implementasyon ng mga proyekto sa lungsod na ilan dito ay sinalo.
APR-PIO/PMCJr.-ABN
May 10, 2025
May 10, 2025
May 10, 2025