WANTED SA PANGASINAN, NASAKOTE SA LEYTE

CAMP OSCAR FLORENDO, La Union – Isang wanted sa kasong pagpatay sa lalawigan ng Pangasinan na may pabuya sa pagkakadakip ang inaresto sa kanyang pinagtataguan sa lalawigan ng Leyte ng mga
tauhan ng Police Regional Office-1 noong Nobyembre 27. Kinilala ni BGen. John Chua, regional director, ang nadakip na si Joselito Rufin Lumapas, 48, may asawa, tricycle driver at residente ng Barangay Nangalisan, Infanta, Pangasinan.

Ayon kay Chua, dakong alas-10:48 ng umaga nang madakip ang suspek ng mga tauhan ng Regional Mobile Force Battalion-1 105th Mobile Company kasama ang mga tauhan ng Infanta Municipal Police Station, Pangasinan Intelligence Unit at Palompon Municipal Police Station sa kanyang hideout sa Mabini St .,Barangay Mazawalo, Palompon, Leyte.

Inaresto ang suspek alinsunod sa alias warrant of arrest na inisyu ni Judge Loreto Alog, Jr., ng Branch 70, Regional Trial Court, Burgos, Pangasinan, noong Abril 22, 2020, sa kasong Murder na walang piyansa.
Ayon kay Chua, nasa wanted list ng Department of Interior and Local Government ang suspek na may monetaryreward na P140,000 para sa pagkakahuli nito. Aniya, si Lumapas ang pangunahing suspek sa
pananaksak gamit ang bladed weapon na nagresulta sa pagkamatay nina Rizaldo Merindo Oiguan at Aida
Merindo Oiguan noong Oktubre 13, 2018 bandang alas- 4:40 ng hapon sa Barangay Nangalisan, Infanta,
Pangasinan.

Zaldy Comanda/ABN

Amianan Balita Ngayon