Wasto at de-kalidad na edukasyon ang nararapat sa mga mag-aaral

Editorial

Hindi pa nakakabawi ang DepEd o Department of Education sa mga puna at batikos sa mga naglabasang mali sa mga self-learning modules at iba pang ginagamit na learning materials ng mga estudyante sa kanilang basic education sa ilalim ng “blended o distance learning” ng nakaraang taon sa gitna ng pandemya ay muling sumambulat ang isang nakakaalarmang mali sa learning module.

Nagtrending muli sa social media ang DepEd hindi para sa isang magandang gawa kundi dahil sa isang isiniwalat na nakakasindak na depenisyon ng isang kasing-kakilakilabot na nilikha sa mga alamat at kuwentong-bayan ng Pilipinas. Isang module na ginagamit ng mga Grade 10 na estudyante sa Pampanga ay binigyan-kahulugan ang “aswang” na isang haling sa sekso na nilikha na ipinapalagay na isang tao na kumakain ng laman ng kapuwa tao.

Gaya ng binanggit sa module, ang “aswang” ay binigyan-kahulugan na: “Siya rin ay isang diyos pero ang Aswang ay pinaniniwalaan na ito’y tao na kumakain ng kapwa tao, kung minsan ang mga ito ay pinapaniwalaan na may mga pakpak at sila raw ay gising kung gabi para maghanap ng m*ka*ant*t o maaswang.”

Maliban sa di-wastong pakahulugan ng salitang “aswang” ay ang nakakagulat na bastos at mahalay na salita. Inamin ng DepEd kamakailan na may 155 mga mali ang nakita sa mga learning materials ng mga mag-aaral mula ng mag-umpisa ang klase sa gitna ng pandemya noong nakaraang taon, kabilang ang isang mahalay na paglalarawan ng likhang-alamat ng Pilipino na “Aswang.”

Ang bilang ay malaking bagay na lubhang nakakaalarma dahil tiyak na makakaapekto ito sa mahirap na ngang kalagayan ng pag-aaral ng mga bata at kalidad ng edukasyon. Inilunsad ng kagawaran ang “Error Watch” na layong lumikom ng mga ulat ng mga mali sa mga material.

Kumuha ang DepEd ng mga sinanay na grupo na tutukoy sa mga malin at nagtalaga ng academic reviewers bilang evaluators at gumawa ng “huling tingin” para masiguro ang kalidad. Sa kabila nito ay lumusot pa rin ang “aswang.”

Kahit pa bago ang pandemya ay laging may problema na sa mga mali-maling taxtbooks para sa mga pampublikong paaralan kaya noong 2019 ay sinita ng Commission on Audit (COA) ang DepEd at hiniling na itama ang mga mali sa PhP254- milyong halaga ng mga textbook na ginagamit sa mga pampublikong paaralan.

Para sa 2021 budget ng gobyerno, ang DepEd ang nakakuha ng pinakamalaking alokasyon sa mga kagawaran ng gobyerno na may PhP606.5 bilyon, isang 18 porsiyentong pagtaas mula sa nakaraang budget na PhP510 bilyon. Ang PhP24.1 bilyon ay ilalaan sa provision at maintenance ng Basic Education Facilities; PhP16.07 billion para sa development and reproduction ng learning resources sa ilalim ng BE LCP (Learning Continuity Plan); at PhP26.27 billion para sa Education Service Contracting para sa Junior High School at ang Senior High School Voucher Programs. Naunang nagsumite ang DepEd ng panukalang budget na PhP1.1 trilyon subalit tinapyasan ng DBM at naging PhP606.5 bilyon.

Napakahalaga ng papel ng mga learning module sa panahon ng pandemya sa pag-aaral ng milyon-milyong estudyante sa mga pampublikong paaralan kaya ang mga mali sa learning materials ay tunay na nakababahala.

Kailangan ang higit na pag-iingat at katapatan kung saan hindi nangyayari sa nakaugaliang pisikal na klase sa loob ng silid-aralan.

Ang mga lumalabas na mali ay marahil patunay na dahil sa pagmamadali at upang ipilit na makaagapay ang edukasyon sa panahon ng pandemya ay talagang may pagkukulang pa rin sa pamamalakad sa Kagawaran ng Edukasyon.

Sana sa lalong madaling panahon ay maitama ang lahat ng mali at nawa’y hindi pa huli ang lahat dahil sa takbo ng mga pangyayari ay tila palala na ng palala ang mga banta sa pag-aaral ng mga bata.

Isinakripisyo natin ang isang taon ng pag-aaral ng mga bata kahit pa walang kasiguruhan na de-kalidad at husto ang kanilang matutunan sa gitna ng pandemya. Isa na namang panibagong taon ang bubunuin ng mga bata, isang school year na hindi pa rin normal.

Tama na ang mga pagpapalabas ng errata, ayusin na ang dapat ayusin at panagutin ang dapat managot.