“Digmaan sa bansa, Wala na nga bang katapusan?”

Opinion

Sa kabila ng pagdiriwang ng Father ’s Day, ay may nakakabahalang pangyayaring kikirot sa puso ng mga ama… at ina. Isang patunay ayon sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na patuloy ang pagrerekluta ng Communist Party of the
Philippines-New Peoples Army (CPP-NPA) sa mga batang mandirigma ang nangyaring labanan sa pagitan ng tropa ng pamahalaan at rebeldeng komunista sa Agusan del Sur noong Hunyo 14.

Isang “child warrior” ang nahuli, samantalang 3 sa mga kasamahan nito ang napatay. Bukod sa patuloy na paggamit daw ng mga rebeldeng komunista ng antipersonnel mines (APM) na kapwa mahigpit na ipinagbabawal sa ilalim ng International Humanitarian Law (IHL), nakakabahala ang maagang pagkamulat ng kabataang Pilipino sa digmaan.

Unang napalaban ang mga sundalo sa Barangay Mabuhay, Prosperidad, Agusan Del Sur nang makasalubong ng mga nagpapatrolyang 3rd Special Forces Battalion ng 401st Infantry Brigade ang sampung rebelde.

Mabuti’t hindi napatay si “Ka Cindy”, isang batang babaeng nasa kamusmusang edad pa lamang, ayon sa NTFELCAC. Nang masinsinang makausap si “Ka Cindy”, agad niyang binuking ang pinagkukutahan ng mga kasamahan, na nagbunsod ng pangalawang armadong labanan noong sumunod na araw sa Sitio New Decoy, Barangay Diatagon, Lianga.

Isang anti-personnel mine na naman ang pinasabog ng mga rebelde sa ilang minutong palitan ng putok na ikinamatay ng isang lalaki at dalawang babaeng rebelde, na kinabibilangan ng isa na namang batang mandirigma.

Nasamsam mula sa labanan sa Lianga ang ilang gamit pandigma gaya ng bomb components, AK 47 assault rifle, dalawang caliber .45, bandoliers para sa AK 47, isang claymore mine, dalawang blasting caps, tatlong anti-personnel mines, apat na magazines para sa AK-47 at apat din para sa M16 rifles na may bala, 25 meters electrical wire, 25 meters detonating cord, isang firing device, at personal na gamit ng mga rebelde.

Ngunit sa pasubali ng NGO ng Philippine Task Force for Indigenous Peoples’ Rights (TFIP) na kumukondina sa kamatayan ng tatlong Manobo na diumano’y mga magsasaka lamang, ang napatay na batang babae ay edad 12 lamang. Sinong ama at ina ang hindi mababahala sa nangyayaring ganito sa ating kabataan?

Isa lamang ang edad 12 na naging biktima sa nagpapatuloy na kaguluhang ito sa ating bayan. Ilan pa ang iaalay ng bayan upang makibahagi ang bawat isa sa atin upang lunasan ang digmaang ito? Saan ang katapusan nito?