Ang trapiko sa Baguio ay masama na at lalong sumasama, na ang dating tahimik na lungsod na ipinagmamalaking Summer Capital ng Pilipinas ay unti-unti subalit lubhang nararamdaman na ang kalbaryo ng sobrang sikip na trapiko sa mga lansangan. Hindi na kasiya-siya ang araw-araw na paglalakbay mula sa ating mga bahay papunta sa ating mga paroroonan. Araw-araw na lang ay ma-traffic, kaya kahit hindi rush hour ay nagiging rush hour na rin kaya maraming oras ang nasasayang dahil sa trapiko. Lalo pang sumisikip ang trapiko sa lungsod tuwing duamarating ang panahon ng kapaskuhan, mga piyesta opisyal kung saan kalimitang mahaba ang mga araw ng bakasyon, at ang unang nasa isip ng mga bakasyunista ay magpalamig sa Baguio.
Ang kataka-taka ay alam na nga ng mga turista at bakasyunista na malaki ang problema ng trapiko sa Baguio ay patuloy pa rin sila sa pag-akyat dito at ang nakakatuwa o kung di man nakakaasar ay kung sino pa ang may mga sasakyang dala ay sila pa ang mareklamo sa sikip ng trapiko. (Eh ano ba ang sanhi ng trapiko?) At minsan kahit anong lamig ng ulo ng ibang mga driver ay nawawala sa wisyo at hahantong sa away dahil uminit na ang ulo sa sobrang sikip ng trapiko.
Maliban sa sobrang sikip ng trapiko ay dumarami rin ang basura na kung minsan ay nagtatambakan na lamang sa mga gilid ng daan na nakakasira sa imahe ng lungsod, siyempre banta rin sa kalusugan. Hindi naman natin sinasabing pagbawalan o hikayatin nating huwag nang bumisita sa Baguio ang mga turista, lokal man o banyaga dahil malaki nga ang ambag ng turismo sa kaban ng lungsod, kaya lang ay isaalang-alang din natin ang kapakanan ng lungsod at mga residente nito.
Ano na ba ang nangyari sa mga inilatag na solusyon ng mga awtoridad ng lungsod? Eleksiyon na naman at hihirang tayo ng panibagong liderato ng lungsod at ang nakaraang namuno na ilang taon ding naupo ay tila walang nagawang konkretong solusyon bagaman ginawa naman daw nila ang lahat ng makakaya nila upang maresolba at matugunan ang problema.
Kailangang harapin natin ang katotohanan na ang tanging rason na mayroon tayong masamang kalagayan ng trapiko ay dahil taon-taon ay dumarami ang mga sasakyan at hindi naman lumuluwag ang mga daan bagkus ay sumisikip pa nga dahil mga kabi-kabilang nakaparada at nakahambalang sasakyan sa mga daan. Nagiging sariling paradahan ang mga gilid ng mga barangay roads kahit pa may mga batas at ordinansa laban dito, wala pa ring epekto.
Laging sinasabi na kailangan ng “political will” upang masolusyunan ang problema sa trapiko. Sinasabi ring may political will din naman ang mga namumuno kaya lang ang tanong, bakit tila walang nangyari? Sa bandang huli, kung patuloy nating ipinagwawalang-bahala ito na walang ginagawang angkop at katanggap-tanggap na hakbang upang kahit paano ay mabawasan ang bilang ng mga sasakyan, ang ating problema sa trapiko ay patuloy pa ring bangungot sa araw-araw nating paglalakbay. Anumang polisiya na ilalabas at ipapatupad ay pansamantalang gamot lamang sa malala nang sakit sa trapiko.
Lito M. Camero Jr.
January 10, 2019
January 10, 2019