10-wheeler truck nahagip ang elf truck, 2 nagalusan

Dalawang lalaki ang bahagyang nasaktan matapos na nahagip ng isang 10 wheeler wing van na naglalaman ng mga gulay ang isang Isuzu elf truck dakong 12:30pm ng Hulyo 3, 2017 sa Marcos Highway partikular sa Bontiway, Tuba, Benguet.
Ayon sa ulat, ang 10-wheeler na may plakang ACO 1005 na minamaneho ni Roldan Mariano Lee, 35 anyos, ng Pulag, Tublay, Benguet ay palabas ng Benguet nang iniwasan nito ang isang sports utility vehicle na nag-overtake ng dalawang truck paakyat sa lungsod ng Baguio. Inapakan ni Lee ang preno ng sasakyan ngunit dahil sa madulas na daan ay nahagip ang nakaparadang Isuzu Elf na may plakang ZDP-794 sa kanang bahagi ng kalsada. Patuloy na gumalaw ang 10 wheeler hanggang sa sumadsad ito nang patagilid sa matigas na bato.
Dalawang lalaki na nakatayo sa elf truck na kinilalang sina Teddy Villanueva at Julius Estorco ang nagalusan habang ang sasakyan ay nagtamo ng pinsala sa left side bumper, left passenger door, at left sidings. Sina Villanueva at Estorco ay isinugod sa Baguio General Hospital. Si Villanueva ay naghihintay ng resulta ng kanyang x-ray habang si Estorco ay pinauwi na matapos magamot.

Amianan Balita Ngayon