12 kaso ng leptospirosis ng Enero, naitala sa Pangasinan

LUNGSOD NG DAGUPAN – Hindi bababa sa 12 kaso ng leptospirosis ang naitala sa Pangasinan mula Enero 1 hanggang 31 ngayong taon, ayon sa Provicial Health Office (PHO).
Ayon kay Dr. Anna Ma. Teresa de Guzman, provincial health officer, noong Miyerkules (Enero 31) na ang bilang ng mga kaso ay mas mataas ngayong taon kumpara sa parehong buwan noong nakaraang taon, na lima lamang.
Sa 12 kasong naitala ng Enero ngayong taon, ang pinakamalaki na may pitong kaso ay naitala sa lungsod ng Dagupan, ani De Guzman.
Wala namang namatay na naitala para sa buwan ng Enero ngayong taon.
Karamihan sa mga nagkasakit ng leptospirosis ay mga batang may edad 10-14 anyos.
Pinayuhan ni De Guzman ang publiko na maging pamilyar sa mga sintomas ng leptospirosis tulad ng mataas na lagnat, sakit ng ulo, nilalamig, nagsusuka, sakin ng katawan, paninilaw ng mata at balat, sakit ng tiyan, pagtatae at skin rashes.
Kung may alinman sa mga sintomas na ito ang lumabas, kinakailangang mapatingin ang pasyente sa health professional o dalhin sa malapit na ospital, aniya.
Ani De Guzman, magkakasakit ng leptospirosis ang isang tao kung siya ay lumusong sa bahang nahawaan ng ihi ng daga at iba pang hayop, o naligo at lumangoy sa maduming tubig lalo na kung may open wound ito. A. PASION, PNA / ABN

Amianan Balita Ngayon