12 pamilya lumikas dahil sa baha sa Ilocos Norte

LUNGSOD NG LAOAG – Lumikas ang halos 12 pamilya na naninirahan sa mababang lugar ng Pragata sa bayan ng Pasiquin, Ilocos Norte noong Biyernes (Agosto 24) ng umaga dahil sa pagbaha na dulot ng patuloy na malalakas na ulan.
Bilang precautionary measure, hiniling ni Pasuquin Vice Mayor Pedro Rex Aquinaldo kasama ang mga police personnel, coast guard, firemen, health workers at mga barangay officials sa mga apektadong residente ng barangay na kinabibilangan ng 11 kalalakihan at 23 kababaihan ng Sitio Bungro, na lumipat sa Barangay Hall para sa kanilang seguridad.
Sa Laoag, ang search and rescue team sa pangunguna ng pamahalaang lungsod, ay nakapagligtas ng isang lalaking nakulong sa umaapaw na Padsan River. Unang sinubukan ng mga rescuers na iligtas ang lalaki gamit ang tali sa Gilbert bridge subalit nabigo ang mga ito dahil sa malakas na agos.
Nang tangayin ang lalaki ng agos, lumipat ang mga rescuers sa bypass bridge at hinintay doon. Itinapon nila ang tali, inutos na itali sa kaniyang katawan saka nila hinila para iligtas.
Samantala, ang pinapatakbo ng provincial government na Batac Fish Farm sa Barangay Billoca ay nabaha, ayon kay Provincial Fisheries and Regulatory Officer Arthur Valente. Ang farm ay naglalaman ng tilapia stocks sa mga kulungan at tangke.
“We have yet to assess the estimated cost of damages. The lost breeders shall be replenished,” ani Valente. L.ADRIANO, PNA / ABN

Amianan Balita Ngayon