120 nahuling naninigarilyo sa LT, pawang lalaki

LA TRINIDAD, BENGUET – Mula nang naipatupad ang Tobacco Control Ordinance ng bayang ito ngayong taon ay may nahuli nang 120 sa paglabag.
Ayon kay La Trinidad Police Chief Inspector Benson Macli-ing, ang mga nahuhuling naninigarilyo ay pawang mga lalaki. “At least maganda namang smoke-free tayo, kapag nahuhuli naman sila, hindi naman sila nakikipag-away. Yung mga walang pera, pinagco-community service,” aniya.
Ang Municipal Ordinance No. 08-2014 o Tobacco Control Ordinance ay nagbabawal ng paninigarilyo, pagbebenta, pamamahagi at advertising ng mga produktong tabako sa ilang mga pampublikong establisimyento lalo na sa mga malalapit sa paaralan sa La Trinidad.
Sa buong implementasyon nito ngayong taon mula noong Enero ay patuloy na pinapaigting pa ang pagpapatupad sa ordinansa sa pamamagitan ng Municipal Tobacco Control Board (MTCB) na pinangungunahan ni Mayor Romeo Salda bagaman matagal na itong na ipinapatupad.
Hinihigpitan ng MTCB at kapulisan ang pagbabantay at paghuli sa mga lumalabag sa ordinansa. Ang mga mahuhuling naninigarilyo sa mga itinalagang smoke-free areas ay pagmumultahin ng P1,500 hanggang P2,500 at maaaring makulong nang hindi hihigit sa isang taon.
Ayon sa Department of Health, isang tao kada 13 segundo o isang milyong katao kada taon, ang namamatay dahil sa paninigarilyo. Ang paninigarilyo ay sanhi rin ng mga sakit sa puso, baga, kanser, diabetes, osteoporosis at marami pang iba.
Hindi lang ito nakakasama sa kalusugan ng taong naninigarilyo, kundi pati na rin sa mga taong nakapaligid at nakalalanghap ng usok ng sigarilyo na mas malala pa ang kanilang mararanasang karamdaman, maliban pa sa polusyon na hatid nito sa kapaligiran. MYSTICA CHER LAURETA, UC Intern / ABN

Amianan Balita Ngayon