‘Balik Eskwela’ diskwento caravan, isinagawa sa Kalinga

TABUK CITY, KALINGA – Naginhawaan ang mga magulang na nag-aapurang mamili ng school supplies nang magsagawa ang Trade and Industry provincial office ng taunang Diskwento Caravan noong isang linggo.
Sinabi ni Ma. Cecile Baral ng DTI-Kalinga na ang proyektong ‘Balik Eskwela’ sa pakikipagtulungan sa mga local supplier ay naghandog ng school supplies, bags, shoes, payong, uniporme at iba pang accessories sa mas mababang halaga mula Mayo 24 hanggang Hunyo 4.
Inihayag ni Baral na walang itinakdang presyo ng discount subalit naghandog ng 5%-20% discounts sa iba’t ibang bilihin ang mga supplier. Labin-limang school suppliers ang nakibahagi sa proyekto ng DTI.
Ginawa ang nasabing Diskwento Caravan sa mga pamilihang bayan upang mas madaling puntahan ng mga mamimili. Ang aktibidad ay unang itinakda ng tatlong araw ngunit pinalawig ito ng isang linggo dahil sa maraming bumibili.
Nagsagawa rin ang DTI-Kalinga ng ‘diskwento sale’ sa iba pang pangunahing bilihin bilang bahagi ng obserbasyon ng Consumer Welfare Month. ABN

Amianan Balita Ngayon