15 kapulisan, nahaharap sa mga kaso sa Cordillera

LA TRINIDAD, BENGUET – Nahaharap ang 15 kapulisan sa administrative at criminal cases sa Internal Affairs Service (IAS) ng Police Regional Office Cordillera (PROCOR), ayon sa mga otoridad noong Hunyo 6.
Ayon kay Police Senior Superintendent Nestor Eswagen Felix, head ng Cordillera IAS, sa 15 pulis, 11 ang nakatalaga sa Cordillera samantalang ang apat ay nakatalaga sa iba’t ibang lugar sa bansa.
Sa mga pulis na nakabase sa Cordillera, tatlo ang mula sa Abra, tatlo sa Ifugao, dalawa sa Baguio, isa sa Kalinga at isa pa sa Apayao.
Ang mga kaso na kinasasangkutan ng mga pulis, na may ranggong police officer 1 hanggang superintendent, ay rape, robbery, libel, alarm at scandal.
Ani Felix, 10 sa mga kaso ang nakapila ng Enero hanggang Mayo ngayong 2018, samantalang lima ay mula pa noong 2017.
Anim sa sampung kaso na natanggap ng IAS sa unang limang buwan ay itinaas na sa regional police director, na siyang top disciplinary authority sa rehiyon.
Nangako ang bagong talagang Procor Regional Director Police Chief Superintendent Rolando Nana, sa isinagawang turnover ceremony noong Hunyo 4, na maliban sa pagsugpo sa illegal na droga at krimen, pagtutuunan din niya ng pansin ang paglilinis sa mga ranggo ng police force sa rehiyon. P.AGATEP, PNA

Amianan Balita Ngayon