SK leader sa Mt. Province, napili sa toss coin

LUNGSOD NG BAGUIO – Idinaan sa simpleng toss coin ang hindi pagkakasundo sa pagiging chairman ng Mt. Province Sangguniang Kabataan federation noong Hunyo 7.
Matapos makakuha ng parehong bilang ng 5 boto bawat isa, nagdesisyon sina Jazzel-Mae Masidong ng bayan ng Bauko at Sunshine Lumines ng bayan ng Natonin na tapusin ang tie sa pamamagitan ng barya.
Ang ikalima at huling toss ang desisyon sa mananalo na may kapwa dalawang panalo sa unang apat na flip.
Panalo si Masidong, uupo siya simula Hulyo bilang ex-officio member ng Mt. Province provincial board bilang kinatawan ng kabataan.
Samantala, panalo si Mark Regan Sapdoy ng Sabangan mula kay Sherwin Chamkas ng Bontoc bilang vice chairman na may 6-4 na boto. Ang ibang elected officials ay sina Darnell Duligan ng Besao bilang secretary, Chezzel Bunnat ng Barlig bilang treasurer, Shalton Gawan ng Paracelis bilang auditor, Jereval Lawagey ng Sagada bilang press relations officer, at Salve Coop ng Tadian bilang sergeant-at-arms. Si Valerie Morareng ng Sadanga ang chair ng Committee on Elections.
Ito ang kauna-unahang chairmanship ng SK na pinaglabanan ng dalawang babae at unang pagkakataon na ang tie ay napagdesisyunan ng toss coin.
Ang bagong set ng SK officials ay nanumpa sa harap ni Governor Bonifacio Lacwasan Jr. A.ALEGRE / ABN

Amianan Balita Ngayon