19 anyos na studyante, arestado sa robbery with violence

LA TRINIDAD, BENGUET-Nadakip ang isang estudyante matapos mabawi mula sa kanya ang hinablot na cellphone na nagkakahalaga ng P17,000.
Sa pahayag sa pulis ng biktima na kinilalang si Ma. Annabelle Lopez Barnachea, 28, dalaga, cashier, tubong Bangar, La Union at residente ng Betag, La Trinidad, dakong 3am noong Hunyo 7, 2018, ay naglalakad siya sa Laoyan Street habang ginagamit niya ang kanyang cellphone nang biglang may humablot dito mula sa kanyang likuran. Nang makuha sa kanya ang cellphone ay itinulak siya sa pader ng suspek at tumakbo papasok ng Mamaslyn area. Nagtamo ang biktima ng sugat sa ulo dulot ng pagtulak sa kanya.
Agad nagtungo at humingi ng tulong ang biktima sa malapit na computer shop kung saan nagtatrabaho ang kanyang kapatid kaya itinawag ng isang concern citizen ang insidente sa pulisya.
Inutusan ng La Trinidad Tactical Operations Center (TOC) sa handheld radio ang mga miyembro ng Police Crime Prevention 2 na magtungo sa lugar na pinangyarihan at para hulihin ang suspek.
Hinanap ng mga pulis, kasama ang biktima at mga saksi ng pangyayari, ang itinuturong pinag-uupahan ng suspek.
Kinumpirma ng biktima at mga saksi ang suspek nang matagpuan siya sa kanyang boarding house. Agad hinuli ang suspek at nabawi din mula sa kanya ang puting Samsung A5 cellphone ng biktima.
Kinilala ang suspek na si Jethro Kitayan Pugong, 19, isang estudyante at tubong Mankayan, Benguet.
Sinisimulan na ang pagpila ng kasong robbery with violence sa Benguet Provincial Prosecutor’s Office laban sa suspek. DEBORAH D. AQUINO, UC Intern

Latest News

Amianan Balita Ngayon