Mga nagkakasakit sa bato, patuloy na dumarami

LUNGSOD NG BAGUIO – Sa pagdaraos ngayong buwan ng Hunyo ng National Kidney Month ay maigting ang naging paalala ng Department of Health (DOH) bunsod ng patuloy na pagtaas ng bilang ng mga nagkakasakit sa bato, lalo na ang mga pasyenteng sumasailalim sa dialysis.
Magpakunsulta habang maaga pa at kaya pang maagapan ang sakit, ito ang naging apela ni Dr. Virginia B. Mangati, Medical Specialist III ng Department of  Internal Medicine sa Baguio General Hospital and Medical Center (BGHMC) sa naganap na Kapihan sa DOH noong Hunyo 6, 2018.
Ipinaliwanag nito na kapag stage 1 at 2 ang sakit sa bato ay preventable o malulunasan pa. Pero kapag umabot na ng stage 3, dito na nagkakaroon ng kidney failure at kailangan nang sumailalim sa kidney dialysis o di kaya ay kidney transplant.
Aniya, ngayong taon ay apat na beses nang tumaas ang kaso ng sakit sa bato sa buong bansa. Numero unong sanhi ng pagkakaroon ng sakit sa bato ay ang pagkain ng maaalat at paginom ng alak.
Taon-taon tumataas ang bilang ng nagkakaroon ng sakit sa bato. Dahil dito, marami nang nagpapatayo ng mga dialysis center sa ating bansa sapagkat kulang na kulang ang mga dialysis center.
Ngayon ay may 630 na pasyente ang sumasailalim sa kidney dialysis sa BGHMC at nadaragdagan pa ng 30 hanggang 40 buwan-buwan.
Samantala, patuloy na umaasa ang mga dialysis patients na maisabatas na ang libreng kidney dialysis sa bansa na pangunahing isinusulong ni Baguio City Lone District Rep. Mark Go sa Kongreso. Ito ay nasa ikatlong pagbasa na sa House of Representatives.
May plano rin ang pamahalaan ng BGHMC sa loob tatlong taon na magpatayo ng  tatlong palapag na gusali at karagdagang 100 machines na makakatulong sa pagpapagamot sa mga may sakit sa bato.
Ang National Kidney Month ngayong taon ay may temang “Kalusagan ng bato ay makakamtan sa pag-aalaga ng kalikasan”. Kabilang sa tampok na aktibidad ang pagtatanim ng mga puno gaya ng nakaraang taon. Magsasagawa rin ng fun run, health teaching at kidney screening at lahat ito ay libre. MARK JASON SELGA, UC Intern

Latest News

Amianan Balita Ngayon