2 patay sa salpukan ng bus at motor sa La Union

AGOO, LA UNION – Sinampahan ng two counts of homicide ang drayber ng isang pampasaherong bus matapos na namatay ang isang lalaking nagmamaneho ng motorsiklo at angkas nito sa banggaan sa Mc Arthus Highway, Brgy, San Antonio, Agoo, La Union noong madaling araw ng Lunes, May 7, 2018.
Binagbagtas ng 28-anyos na drayber ng Partas bus na si Robert Bilguera ang kahabaan ng National Highway at patungo sa Cubao nang biglang sumulpot ang motor na minamaneho naman ni Philip Candelario, 18, residente ng Amallapay, Tubao, La Union, mula sa kanang bahagi ng kalsada.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon, sinubukan pang iwasan ni Bilguera ang motor ni Candelario subalit tinamaan pa rin ito na nagsanhi ng banggaan ng dalawang sasakyan.
Patay ang sakay ni Candelario na si Orlando Garcia, 19, isang construction worker na nakatira din sa Amallapay, Tubao, La Union, habang itinakbo naman sa LUMC si Candelario at nailipat pa sa ITRMC ngunit kalaunan ay pumanaw din.
Wala namang nasaktan sa mga pasahero ng bus.
Napag-alaman din base sa resulta ng breath alcohol test na nakainom si Candelario noong maganap ang insidente. CHRISTIAN JASTINE V. MENDOZA, UC Intern

Amianan Balita Ngayon