4Ps binalaang huwag isanla ang ATM

LUNGSOD NG DAGUPAN – Binalaan ang mga benepisaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o ang 4Ps sa lungsod na ito na huwag isasanla ang kanilang automated teller machine (ATM) cards.
Sinabi ni Marbylinn Dumo, City Link Social Welfare and Development Officer 1, na sa unang paglabag ay pipirma ng isang kasunduan na hindi na nila isasanla ang ATM nila uli, sa pangalawa ay sususpindihin ng dalawang buwang halaga ang benepisyo, habang sa pangatlo ay aalisan ng karapatan bilang benepisaryo.
Ayon sa City Social Welfare and Development Office (CSWDO) ay may kabuuang 4,129 pamilya sa lungsod ng Dagupan ang naka-enrol sa 4Ps, isang programa ng gobyerno na nagbibigay ng cash grants sa mahihirap na pamilya upang tulungan sila sa mga gastusin sa pangangailangan ng kanilang mga anak gayundin para sa kanilang edukasyon at kalusugan.
Ang Barangay Pantal ang may pinakamalaking bilang ng indigent families sa lungsod na naka-enrol sa programa na nasa 500 na sinundan ng Bonuan Gueset na may 441 pamilya.
Sinabi ni Dumo na ang mga indigent families na may isang buntis na babae o mga batang edad 0-14 taong gulang ay karapat-dapat na mag-apply sa programa alinsunod sa hinihingi ng National Household Targeting System.
Sa buwang ito ay may halagang P600 ang naidagdag sa benepisyo ng mga miyembro ng 4Ps bilang rice subsidy. ABN

Amianan Balita Ngayon