6 kontraktor sa Benguet, suspendido sa pekeng papeles

LA TRINIDAD, BENGUET – Isang taon na hindi makakasali sa mga public biddings ang anim na kontraktor matapos na mapag-alaman ng Bids and Awards Committee (BAC) ng probinsya na peke ang mga isinumiteng dokumento ng mga ito sa mga nakaraang bidding processes.
Ito ay nakasaad sa isang committee resolution na nakalap noong Marso 6, 2018.
Inaakusahan ng paggamit ng falsified documents sa bidding processes sa nakaraang administrasyon ang mga road contractors na Almond Engineering and Construction, Leo Heirs Construction, Bolos Engineering and Construction, Hillstone Builders, Northbase Builders, at Four Brothers Construction.
Ang desisyon ng BAC ay base sa pagkakatuklas ng Commission on Audit (COA) sa anim na kontraktor na nagsumite ng falsified receipts ng equipment, hand tools, at iba pa sa kanilang bidding documents noon.
Ang COA findings ay nakapaloob sa ilalim ng Audit Observation Memorandum (AOM) No. 16-10 na may petsang February 9, 2017. PNA / ABN

Amianan Balita Ngayon