7 arestado sa P165,000 illegal logs sa LU

Tubao, La Union – Pitong lalaki ang nahuli habang ibinabiyahe ang ilegal na troso na nagkakahalaga ng P165,390 sa ipinatupad na Oplan Sita sa Tubao Junction, Barangay Francia Sur, bayang ito, noong Setyembre 7.
Ayon kay Senior Inspector Juan Jhayar Maggay, Tubao police chief, ang may-ari ng nakumpiskang troso ay si Felipe de Vera, 59, residente ng Barangay Malakanyang, San Carlos City, Pangasinan habang ang kanyang mga kasama ay kinilalang sina Nathan Arida, Melchor de Vera, Edwin de Vera, Jaime de Vera, Dante Cayabyab, at Jay Birot, pawang residente ng San Carlos City, Pangasinan.
Ani Maggay, ang mga troso ay nakalagay sa Isuzu forward truck na may plakang TPY 704.
“The truck was loaded with 310 pieces of mahogany, gmelina and acacia logs with a total volume of 4,150 board feet,” aniya.
Sinabi ni Maggay na may ipinakita ang may-ari ng truck na certificate of verification mula sa Dagupan City environment office ngunit ang mga troso ng acacia ay hindi kabilang sa permit.
Si Florencio Garcia, head ng La Union provincial environment office, ang nagsagawa ng inventory sa naturang truck at troso habang ang pitong nahuling lalaki ay ipinasa sa otoridad upang maipila ang kasong paglabag sa Presidential Decree No. 705 o Forestry Reform Code of the Philippines. ERWIN BELEO

Amianan Balita Ngayon