Taxi driver, natagpuang patay sa bangin ng Benguet

Isang 23-anyos na driver ng taxi ang natagpuang patay sa isang 200-metrong lalim na bangin sa Tuba, Benguet noong hapon ng Setyembre 7.
Si Yolito Judan Olida, 23, mula sa Alta Verde, Tadiangan Tuba, Benguet ay nadiskubreng patay na ni Larry Judan Calado ng Lasong, Tadiangan, Tuba, tatlong araw matapos na diumano ay nagwala ito at tumangging kumalma nang inalukan ito ng kamag-anak na uminom ng alak.
Ayon sa pulis, si Olida at mga kamag-anak ay nanggaling sa Asin, Nangalisan, Lunes ng gabi at dumaan sa isang sari-sari store sa Km. 13, Lasong, Tadiangan, Tuba.
Nang nagsimulang mag-inuman ang kanyang mga kaanak ay tumangging uminom si Olida at nagwala hanggang sa umalis ito patungo sa lungsod ng Baguio.
Hindi na muli pang bumalik ang biktima kaya hinanap ito ng mga kamag-anak hanggang sa natagpuan ang bangkay nito dakong 1:15 ng hapon noong Huwebes.
Ayon sa crime scene investigators, blunt traumatic head injuries ang dahilan ng pagkamatay ni Olida at walang nadiskubreng tanda ng defensive struggle.
Ngunit, ayon sa mga pulis ay patuloy ang malaliman nilang imbestigasyon sa pagkamatay ng biktima. ACE ALEGRE

Amianan Balita Ngayon