1 patay, 1 sugatan sa hit and run sa Kalinga

Patay na nang madala sa ospital ang isang lalaki habang walang malay-tao ang isa pang kasama nito matapos na masagasaan ng isang matulin ang takbong sasakyan dakong 11:45 ng Setyembre 4, 2017 sa provincial road ng Laya East, Tabuk City, Kalinga.
Kinilala ang namatay na biktima sa pangalang Ryan Sacla habang ang kasama nitong nasugatan ay si Jaime Lacuata, pawang manggagawa ng J.Peralta Enterprises.
Sa ulat ng Tabuk City police, ang dalawang biktima ay nakita ng isang concerned citizen na nakahandusay na walang malay at may pinsala sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Agad nitong itinawag sa pulis sa paghihinalang kaso ito ng hit and run sa madilim na bahagi ng kalsada.
Lumabas sa inisyal na pagsisiyasat ng pulis na katatapos nag-inuman ng mga biktima at nagpaalam sa kasamang si Jerson Dumayag na bibili lamang ng kanilang makakain sa store. Makaraan ng ilang sandali ay nakarinig si Dumayag ng malakas na kalabog mula sa timog na bahagi ng provincial road at nakita nito ang isang puting sasakyan na humaharurot sa pahilagang direksyon.
Ang insidente ay natuklasan na lamang ng mga katrabaho ng biktima nang dumating ang mga rumespondeng pulis na nagpunta sa warehouse nila upang mag-imbestiga at humanap ng posibleng witness.
Dinala ang dalawang biktima sa Kalinga Provincial Hospital sa Bulanao, Tabuk City ngunit idineklarang dead on arrival si Sacla habang nagtamo ng sugat sa ulo at fracture sa mga braso si Lacuata.
Iniimbestigahan pa rin ang insidente.

Amianan Balita Ngayon