81 sa 720 aplikante, tanggap agad sa trabaho sa Kalayaan job fair

Sa kabila ng walang humpay na pag-ulan ay dumagsa ang 720 na naghahanap ng trabaho sa Kalayaan Job Fair noong ika-12 ng Hunyo sa Sky Zone, Porta Vaga Mall, Upper Session Road, lungsod ng Baguio.
Ayon kay Department of Labor and Employment-Cordillera information officer Paul Rillorta, sa naturang job fair ay halos 6,000 ang inialok na trabaho, 1,300 dito ay para sa lokal na trabaho at 4,653 ang trabaho sa ibang bansa.
May kabuuang 17 lokal na kompanya at apat na overseas recruitment agencies ang nakilahok sa job fair.
Sa 720 na aplikante ay 81 ang agad natanggap sa trabaho (hired on the spot), 509  ang near hire applicants para sa lokal na trabaho at 148 near hire applicants para sa trabaho sa ibang bansa.
Ang near hire applicants ay ang mga nangangailangan pa ng karagdagang dokumento o interview upang tuluyang matanggap sa kompanyang nais nilang pasukan.
Ang job fair ay inorganisa ng DOLE bilang bahagi ng ika-120 anibersaryo ng Araw ng Kalayaan na may temang “Pagbabagong ipinaglaban, alay sa masaganang kinabukasan.” Isinagawa ito para mabigyan ng pagkakataon ang new graduates at naghahanap o nangangailangan ng trabaho. Gayun din para makatipid ang aplikante dahil nasa lugar na rin ang iba’t ibang sangay ng gobyerno gaya Public Employment Service Office (PESO), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), Philippine Overseas Employment Administration (POEA), PAG-IBIG FUND at iba pa. Ito ay tinatawag na “One Stop Government Center” na naglalayon na agad maibigay ang mga kinakailangan ng isang aplikante. Target ng DOLE na mabigyan ng trabaho ang 20 porsyento na nag-apply sa nasabing job fair. MARK JASON SELGA, UC Intern / ABN

Amianan Balita Ngayon