90,000 sako ng bigas para sa NFA Pangasinan, dumating na

LINGAYEN, Pangasinan – Nakatakdang ipamudmod ng National Food Authority (NFA) sa Western at Eastern Pangasinan ang alokasyon ng bigas sa mga retailers sa probinsya matapos ang pagdating sa La Union ng alokasyon na 90,000 sako ng imported na bigas mula sa Thailand noong nakaraang linggo.
Sinabi ni NFA-Western Pangasinan assistant branch manager Chona Maramba sa isang panayam noong Enero 4 na tinatayang 1,000 sako ng bigas ang naihatid na sa kanilang warehouse habang patuloy na nangongolekta ang kanilang delivery truck sa La Union simula noong nakaraang linggo.
“As soon as the number of the total allocation is completed in our warehouse, we will begin distributing to our retailers,” aniya.
Sinuspinde ng NFA-Western Pangasinan ang pagsusuplay ng bigas sa mga retailers noong Nobyembre 2018 bunsod ng mababang stock sa warehouse nito at sa kawalan ng delivery noong panahong iyon.
Samantala, siniguro ni Maramba na may sapat na supply ng commercial rice sa merkado dahil ang probinsya ang isa sa pinakamalaking rice producers sa bansa.
“But we continue to supply to the island barangays through the Tagpuan Rice Delivery Response Program of the NFA, where the agency brings to the intended beneficiaries the rice supply and also the indigenous people in the far flung areas in the province,” paliwanag niya.
Nagsusuplay din ang NFA ng bigas sa mga pasilidad ng Bureau of Jail Management and Penology sa Western Pangasinan.
Ang naturang NFA rice provision ng Pangasinan ay bahagi ng 200,000 sako ng imported na bigas para sa Region 1 (Ilocos), na naihatid na sa Poro Point, La Union mula sa Thailand.
Ang Ilocos Sur ay may alokasyon na 20,000 sako ng bigas; Ilocos Norte ay 17,000 sako; Benguet ay may 30,000 sako; at ang Abra ay 8,000 sako.
Sa isang ulat, sinabi ni NFA Ilocos regional director Jaime Hadlocon na ang Region 1 ay may kabuuang alokasyon na 1.9 milyong sako ng bigas ngayong taon.
H.AUSTRIA, PNA/ABN

Amianan Balita Ngayon