OK naman tayo dito sa Baguio. Ang tag-init ay patuloy pa, ngunit hindi gaano nakakaepekto sa araw-araw. Tunay na kakaiba ang Baguio. Unika ihang lungsod na mahal ng sambayanang Pinoy. Paraisong binubuhay ng kanyang klima. Bukod-tanging pinapangarap ng bawat pamilyang madalaw kahit minsan man lamang. Sa ibang lugar sa Pinas, tostado na ang mga Pinoy. Tag-ulan na nga naman, lampas bubong pa ang init ng temperature. Bawat oras, minu
minuto, humahampa. Di ba hanggang ngayon ay todo reklamo ang mga nasa kapatagan? Bulyaw nila, ang init ng panahon ay walang preno sa pagbulosok.
Sobra nga naman sa init ang nararanasan. Lampas sa mga matayog na gusaling nakikipagtunggali sa pagpapataasan.
Kung anuman, hindi lamang sa Pinas may trahedyang dulot ng lampas-gusaling init. Sa Asya, higit ang tagtuyot na nararanasan Thailand, Vietnam, pati Tsina. Sa kaMaynilaan, ang init ay tagos-buto. Tatlong beses sa isang araw ang pagpaligo, maibsan lang ang panahong tag-tuyot. Pati nga ang hidwaan sa West Philippine Sea, eksena na naman
ng pagpapakita ng Tsina ng pwersang tubig ang ibinuhos sa ating mga munting barko. Pati bangkang pangisda, ginawang target practice.
Ano ang naging reaksyon ng gobyernong Pinoy? Relax, hindi rason ang gumanti. Daanin sa pasensya at pagkalma.
Karaniwang reaksyon ng karaniwang mamamayan: Bulwakan ng tubig ang mga Tsinong umaangkin sa ating karagatan. Samahan pa ng pagdura na sama samang ibuga. Tit for tat ‘ika nga. Ngunit dahil sanay na ang mga Tsino sa ugali ng Pinoy, tuloy-tuloy ang pag alipusta sa ating dangal. Ang pagyurak sa anumang natitirang karangalan ng lahing hitik sa kabayanihan. Ang Tsina ay walang ginagalang na batas sa karagatan. Tuwiran nyang kinakamkam ang tuwirang pag-aaari ng Pinas. Binabalahura ang Pinoy sa karagatang Pinoy.
Hanggang kailan ang pagpapasensya ng Pinas sa pagyurak ng pambansang karangalan? Kailangan pa bang tulad nila, tayong Pilipino ay magpakitang gilas at giting na tinitingala sa ating kasaysayang hitik sa pagpapasakit?
Kailangan pa bang ilahad ang mga pagbuwis ng buhay na ating inalay maipagtanggol lang ang dangal ng isang bansa? Ang lahing Pinoy ay hindi nagpapatinag ng loob. Gayung may lalim ang pasensya, iniinda. Pinalilipas ang damdaming init. Pinahuhupa ang galit. Hinahayaang mamayani ang alab.
Mahaba man ang pasensya natin, mayroon siyang hangganan. May panahong darating na sisilakbo rin ang alab ng isang makabayang lahing kilala sa tapang ng dibdib at tibay ng loob. Kaisa tayong taga-Baguio sa hangaring maging panatag sa gitna ng mga pag-alipusta sa dangal ng bayan. Bukas-palad ang Baguio na ibahagi sa lahat ang natatanging karanasan sa lungsod lamang mailililok. Huwag sanang maliitin ng sinoman ang lahi ng Baguio na
yumabong sa pag-aruga ng Inang Kalikasan. Sa manlulupig, hindi kailanman masisiil ang alab ng pagiging taga-bundok, ng taga Baguio.
Gayun pa man, tunay na kakaiba ang gayuma ng Baguio sa panahon ng tag-init. Bakit nga naman magtitiis na halos matunaw ng init ng panahon? Bakit nga naman ipagkikibit ng balikat ang hagupit ng El Niño? Nandyan ang Baguio – ang tanging lugar sa buong Pinas na pantapat sa tag-init. Narito ang Baguio na paboritong destinasyon ng mga Pilipinong ang tanging hangarin ay makahulagpos sa hampas ng init. Nariyan ang Baguio na isang kakaibang lugar na binubuhay ng sariwang hangin at dalisay na kalinga ng Inang Kalikasan.
Sa Baguio, Iisa ang tibok ng puso, dala ng kapatiran na hindi papaagnas panahon man ay lumipas. Sa Baguio, ang tuwa o dalamhati ay bunga ng alab at rubdob ng pagmamahal. Kung nagkaroon man ng pighati, niwawaksi ng tuluyan. Layang iniiwan ang mga tanda ng pamamaalam, ng panlalamig, ng ano pa mang dinaramdam. Hinahayaan lang na isantabi, tuwiran lang na isinawalang kibo, at hayagang ginagawang maging muling bukambibig ang mga
katagang nilunod ng mga daluyong na kinimkim ng kay tagal. Sa Baguio, karaniwan ang pagbabalik sa mga nakagawian. Balik sa nakalakhang dating ugali. Ang pagiging mabuting tao.
Mabuti sa lahat ng bagay ng pakikipagkapwa-tao. Hindi lamang pamilya ang trato sa kanila kundi pamilya ang maging turing sa atin. Kaya naman, maluwag nating tanggapin ang agos ng buhay kalmado ngayon, ngunit walang
babala kapag naging daluyong. Maging uliran sa bawat araw na ating ihahasik ng buong pagmamahal, katapatan, at
kabutihan. Kung ang agos ng buhay ay mistulang bula na inililipad sa papawirin, ganoon din ang muling pagkikita – biglaan sa Ilan, inaasahan sa may alam. Hindi presyo, bagkus ay halaga ang pagsukat sa anumang buhay. Ang pagkikita at pagdadaup-palad.
Kailanman ay hindi sya hangganan lamang. Mayroon pang antas na tatawirin at lalampasan. Ang buhay ay muling uusbong at lalago sa bugso ng galak at sigla ng muling pagbangon. Iyan ang halaga ng muling pagbangon, pag-ahon, at pagtahak sa bagong landas.
July 6, 2024
April 19, 2025
April 19, 2025
April 19, 2025
April 13, 2025
April 13, 2025