Ang pagpapatiwakal ay hindi solusyon, problema sa pag-iisip kayang tugunan

Editorial

Ipinapakita sa mga pag-aaral na ang pandemya sa COVID-19 ay nauugnay sa kahirapan, pagkabalisa, takot ng pagkahawa, depresyon at insomnia sa pangkalahatang populasyon. Ang mga health care professionals ay mas lalong nahahapis. Ang epekto ng krisis na COVID-19 sa kalusugan ng pag-iisip kasama ang paggawing pagpapatiwakal ay maaaring manatili ng matagal na panahon at lulubha pagkatapos ng aktuwal na pandemya.

Ang pagpapakamatay ay ang pumapangalawang sanhi ng kamatayan sa mga kabataan edad 15-29, kasunod ng pinsala sa kalye. Sa mga teenagers edad 15-19 taong gulang, ang suicide o pagpapatiwakal ay pangalawang sanhi ng kamatayan sa mga kababaihan (kasunod ng maternal na kondisyon) at ang ikatlong nangungunang sanhi ng kamatayan sa mga batang lalaki (kasunod ng pinsala sa kalye at interpersonal na karahasan).

Sa mga unang buwan ng paglaganap ng COVID-19 ng taong 2020 ay nakapagtala ang lungsod ng Baguio ng higit 20 kaso ng pagpapakamatay at nito lamang nakaraang linggo (Pebrero 8) ay nakapagtala naman ang bayan ng La Trinidad sa Benguet ng sunod-sunod na pagpapakamatay.

Hindi man direktang tinutukoy na ito ay sanhi ng hapis na dulot ng pandemya ay ito ang “nakikitang pinakamalapit na dahilan” – at ang nakakalungkot pa ay mga bata, edad 13 ar 14 ang mga biktima. Mga mag-aaral na ayon sa mga awtoridad ay tila nahihirapan sa mga school modules at depresyon na pinalala pa ng pakiramdam na walang magawa at hindi makalabas ng bahay dahil sa mga restriksiyon.

Nakikidalamhati ang mga awtoridad at naiintindihan nila ang mga paghihirap na nararanasan gaya ng kawalan ng magawa, kapaguran sa kuwarentenas, pagkalito, pag-iisa (isolation) o isang pakiramdam ng pagkalipol, kapighatian at kawalan ng pagasa.

Nakakaalarma ang ganitong sitwasyon at naaalarma ang mga awtoridad. Upang mabawasan o mahadlangan ang mga pagpapakamatay sa panahon ng krisis ng COVID-19, napakahalaga na ibaba ang kaigtingan (stress), pagkabalisa (anxiety), takot at pangungulila sa pangkalahatang populasyon. Kailangang mayroong tradisyunal at kampanya sa social media upang isulong ang kalusugan sap ag-iisip at bawasan paghihirap.

Ang aktibong pagdamay at pagtulong ay mahalaga, lalo na sa mga taong may kasaysayan ng sakit sa pag-iisip, COVID-19 survivors at mga matatanda. Subalit sa mga nangyayari, huwag kaligtaan ang mga kabataan, na kahit tinuturing na mas malakas ang kanilang immunity ay hindi naman sila immune sa panganib at banta ng “pagpapatiwakal” dulot ng krisis sa kalusugan. Kailangan din ang ibayong mga pagaaral kung paano ang kahihinatnan ng kalusugan sa pag-iisip ay mabawasan at mapagaan sa panahon at matapos ang pandemya ng COVID-19.

Dahil nakaamba pa ring mas lalong tumagal ang paghihirap natin dahil sa pagpasok ng mga bagong variants ng virus at ang pagbawas o restriksiyon sa panlipunang paggalaw at pakikihalubilo sa panahon ng pandemya at takot dulot ng epidemya ay di-nalalayong tumaas ang mga kaso ng pagpapakamatay. Kakatuwang isipin na sa layuning mailayo sa sakit ang mga tao sa
pamamagitan ng mga restriksiyon ay tila nailalapit naman sila sa panganib at banta ng pagpapatiwakal.

Upang tugunan ang nakakaalarmang sitwasyon ng pagpapakamatay ay nagtayo ang bayan ng La Trinidad ng kanilang Suicide Prevention hotlines 09178592657 at 09103436595 – sa sinumang nangangailangan ng tulong. Sa Lungsod ng Baguio ay inaprubahan din ng konseho sa ikatlo at pinal na pagbasa ang isang ordinansa na magtatag ng isang metal health care and developmental wellness program upang tugunan ang eksponensiyal na pagtaas ng bilang ng mga taong nakararanas ng problema sa kalusugan sa pag-iisip sa lungsod.